MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 4,487 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Martes, kung kaya nasa 1,154,388 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,154,388
- Nagpapagaling pa: 52,291, o 4.5% ng total infections
- Kagagaling lang: 6,383, dahilan para maging 1,082,725 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 110, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 19,372
Anong bago ngayong araw?
-
Bagama't pababa na ang hawaan sa Metro Manila't mga kalapit na probinsya (NCR Plus), sinabi naman ni Alethea de Guzman, direktor ng DOH Epidemiology Bureau, na pataas ito kung titignan ang direksyon ng hawaan sa mga kapuluan ng Visayas at Mindanao.
-
Kanina lang din nang ianunsyo ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na kailangang mabakunahan ang 500,000 — o kalahating milyong tao — araw-araw para maabot ang COVID-19 "herd immunity" sa Metro Manila at iba pang mga probinsya bago matapos ang Nobyembre 2021.
-
Dagdag pa ni Galvez, inirekomenda na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte masimulan ang pagbabakuna sa frontline workers (A4) bago magtapos ang buwan ng Mayo, para na rin mapabilis ang pagtuturok laban sa COVID-19 sa bansa. Inaprubahan naman ng pangulo ang rekomendasyon.
-
Inilahad naman ni Senate President Vicente Sotto III na nasa 73% na ng mga empleyado ng Senado ang nababakunahan laban sa COVID-19.
-
Ngayong araw lang din nang iklaro ng Philippine Red Cross (PRC) na hindi nila "ibinebenta" ang mga Moderna COVID-19 vaccines na plano nilang iturok sa presyong US$26.83 (P1,283). Ani PRC governor Maria Carissa Coscolluela, ang naturang singil ay para sa mga gagamiting hiringgilya, gloves, PPEs, pagkain at allowances ng mga healthcare workers na magbibigay ng bakuna. Bawal pang ibenta ang mga bakuna sa Pilipinas dahil wala pa itong rehistro sa Food and Drug Administration.
-
Pag-uusapan naman daw ngayon linggo ng gobyerno kung maaari nang simulang bakunahan laban sa COVID-19 ang mga estudyante para agad nang makabalik sa mga pisikal at harapan na klase.
-
Umabot na sa halos 167.8 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.4 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio