^

Bansa

Duterte sa gov't officials: Roque, DFA na lang magsasalita sa WPS

James Relativo - Philstar.com
Duterte sa gov't officials: Roque, DFA na lang magsasalita sa WPS
Kitang lumilipad ang mga watawat ng Tsina sa mga barkong ito, bagay na inilabas ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) nitong Marso 2021
Released/NTF-WPS

MANILA, Philippines — Bubusalan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng gobyerno na maglalabas ng kanilang pananaw pagdating sa umiigting girian ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea.

Lunes ng gabi lang kasi nang sabihin ni Digong ang sumusunod habang tinatalakay ang tensyon sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at mga inaangking teritoryo ng Beijing at Maynila:

"So, this is my order now to the Cabinet and to all — all and sundry, ‘yong ano, talking for the government to refrain discussing itong West Philippine Sea with the - with anybody. If we have to talk, we talk and tayo-tayo lang, and there is one spokesman — si Secretary Harry will do it. Now you get the picture."

Ang bagay na 'yan ay kinumpirma rin ni presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang arawang press briefing ngayong Martes.

Dahil dito, bawal na maglabas ng saloobin at pahayag sa WPS issue ang Cabinet members at ilang opisyal ng gobyerno — kasama na ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at Department of National Defense (DND).

"The instruction of the president was clear... Only the Secretary of Foreign Affairs [Teodoro Locsin Jr.] and myself can speak on the [West Philippine Sea] issue now," paliwanag ni Roque kanina.

Ito ay kahit na maya't mayang naglalabas ng updates ang NTF-WPS pagdating sa presensya at panggigipit ng mga Chinese maritime militia, Chinese coast guard atbp. sa West Philippine Sea, bagay na in-award na sa Pilipinas ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.

Makailang ulit ding matapang na binatikos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga maniobra ng Tsina sa lugar lalo na nitong mga huling buwan at linggo. Bukod pa 'yan sa mga banat at diplomatic protests na pinakakawalan ni Locsin.

Kamakailan lang nang pagmumurahin ni Locsin ang Tsina dahil sa patuloy na aktibidad at presensya ng nasa 200-300 barkong Tsino sa lugar, bagay na kanyang ihiningi rin ng tawad.

"The reports of the NTF-[WPS] are forwarded to the DFA, and they will determine if they will file diplomatic protests. These are matters, facts which are relevant to diplomatic communications covered by executive priviledge,"

"Although there is transparency, an exemption to transparency are diplomatic communications and that includes also inputs which can form the basis of diplomatic communication."

NTF-WPS vs Roque?

Paglilinaw naman ni Roque, hindi "harmful" ang mga press releases ng NTF-WPS sa international relations ngunit saklaw daw ito ng executive privilege para makagawa ng "tamang" desisyon anuman ang mangyari.

Ang NTF-WPS ang kadalasang naglalabas ng bilang ng mga dayuhang presensya sa EEZ ng Pilipinas, mga lugar kung saan Maynila lang ang may karapatan sa paggamit ng mga likas-yaman.

Kamakailan lang din nang kontrahin ng NTF-WPS si Roque nang sabihin ng huling "hindi parte ng EEZ ng Pilipinas" ang Julian Felipe Reef, bagay na nasa 175 nautical miles mula Bataraza, Palawan — pasok sa 200 nautical mile EEZ ng bansa.

Mula gulo sa langis patungong 'joint exploration'

Kapansin-pansin ding nagbago ang tono ng Palasyo pagdating sa paggamit ng mga likas-yaman sa West Philippine Sea. Ika-19 ng Abril kasi nang sabihin ni Duterte na magpapadala siya ng "grey ships" o Navy sa lugar oras na maghukay na ng langis ang Tsina roon.

Pero biglang binuksan uli ni Roque ang posibilidad ng "joint exploration" sa lugar para makakuha ng langis ang parehong bansa sa erya.

"Habang hindi pa nareresolba kung sino ang may soberanya sa areas na 'yan, ay baka posible na magiging joint ang magiging exploration at exploitation," dagdag ng tagapagsalita ni Duterte.

"Sa katunayan po, 'yung langis sa Middle East, sa ilalim po ng lupa wala naman pong territorial boundaries 'yan... pwede naman pong pag-usapan ang mga bagay-bagay na ito sa pagitan ng mga magkapit-bahay na matalik na magkaibigan"

Ilang beses nang kinakastigo ng mga militanteng grupon gaya ng PAMALAKAYA at Bayan Muna party-list ang administrasyon ni Digong kaugnay ng papalit-palit at "malambot" na paghawak sa isyu ng teritoryo at soberanyang karapatan sa lugar.

vuukle comment

CHINA

DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS

HARRY ROQUE

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with