MANILA, Philippines — Bagama't tuluyan nang naging low pressure area (LPA) ang dating Tropical Depression Crising, patuloy na magdadala ng masungit na panahon ang weather system sa ilang bahagi ng Kabisayaan at Mindanao ngayong araw.
Bandang 11 a.m. nang iulat ng PAGASA ang paghina nito patungong LPA, dahilan para bawiin ang lahat ng tropical cyclone wind signals na unang itinaas ng state meteorologists.
"Alas tres ng hapon, ito po ay nasa vicinity na ng Ramon Magsaysay, Zamboanga del Sur," wika ni Ana Clauren, PAGASA weather specialist.
"Magpapaulan pa rin po ito dito sa ilang bahagi ng northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, Soccsksargen, Surigao del Norte at pati naman po sa Dinagat Islands at ganoon na rin sa may Eastern Visayas ay may inaasahan po tayong mga pag-ulan ngayong gabi dulot po 'yan ng Easterlies."
Gayunpaman, malaking bahagi ng Luzon at Visayas naman ang nakararanas ng maaliwalas na mga kalangitan. Sa kabila niyan, may tiyansa pa rin ng mga pulo-pulong panandaliang pagbuhos ng pag-ulan dulot ng Easterlies at localized thunderstorm.
Tinutumbok ng nasabing LPA ang Sulu Sea sa loob ng anim hanggang 12 oras.
"Base sa ating latest analysis ay posible po itong tumawid dito sa ilang bahagi ng Palawan kaya asahan natin na by Sunday ay makakaranas din po ng mga pag-ulan [ang nasabing lugar]," patuloy ni Clauren.
Sa kabuuan ay magiging mainit at maalinsangan naman ang lagay ng panahon bukas sa kapuluan ng Luzon sa kabila ng mga pulu-pulong pag-ulan pagsapit ng hapon hanggang gabi.
Kanina lang nang maitala ang Signal no. 1 sa halos 10 probinsya sa Pilipinas kaugnay ng dating bagyong "Crising."