287 Chinese ships nakakalat sa West Philippines Sea
MANILA, Philippines — Nasa 287 Chinese maritime militia (CMM) vessels ang nakakalat ngayon sa Kalayaan waters na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) chair at National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., batay sa isinagawang maritime patrol noong Mayo 9, nakita ang mga CMM vessels sa mga artificial island na itinayo ng China at ang ilan ay sa mga isla na sakop ng Pilipinas.
Nabatid sa NTF-WPS, 2 CMM at 2 Houbei-class missile warships ang naispatan sa Panganiban (Mischief) Reef, isang CMM sa Lawak (Nanshan) Island, 11 CMM vessels sa Recto (Reed) Bank; at isang CMM vessel sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Bukod dito, isa pang Chinese Coast Guard vessel ang nakita sa Ayungin Shoal sa ginawang pagpapatrulya noong Mayo 7.
Sa Julian Felipe Reef naman aniya ay namata- an ang 34 Chinese militia vessels, 2 Vietnamese logistics supply ships at isang Vietnamese Coast Guard vessel sa Sin Cowe East Reef habang 77 Chinese militia vessels sa Chigua Reef.
Mayroon din silang nakitang 14 CMM vessels sa Panata Island, isang Vietnamese fishing vessel sa Kota Island, 64 CMM sa Burgon o Gaven Reef North, 2 Vietnamese fisheries surveillance ships at isang Chinese rescue service ship sa Paredes reef, 3 plan warships at 55 Chinese militia vessels sa Kagitingan Reef.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang Julian Felipe Reef ay wala sa loob ng EEZ ng Pilipinas, pero pinanindigan ng NTF-WPS na ito’y nasa 175 nautical miles mula sa Bataraza, Palawan.
Kaugnay nito, sinabi ng NTF-WPS na patuloy na pinalalakas ng gobyerno ng Pilipinas ang presensiya nito sa West Philippine Sea para igiit ang soberenya ng bansa at karapatan sa lugar.
Sa katunayan, patuloy aniya nilang hinihikayat ang ating mga mangi-ngisda na pumalaot at mangisda sa WPS.
- Latest