MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Department of Health (DOH) na sumailalim sa quarantine ang lahat ng mga pamilya't indibidwal na lumangoy sa isang resort sa Lungsod ng Caloocan kahit na bawal pa sa gitna ng umiiral na quarantine restrictions dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Linggo lang nang ipasara ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan ang "Gubat sa Ciudad Resort" sa Barangay Bagumbong, lalo na't bawal pa ang operasyon nito sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Related Stories
Labis na ikinalungkot ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes, lalo na't hindi naman daw dadagsain ng bisita ang resort kung hindi nagbukas ang establisyamento.
"'Yung nagpunta po diyan sa resort na 'yan, kailangan po nilang mag-quarantine for 14 days, lahat po sila, so that we can ensure na wala pong pagkakahawa-hawaan [ng COVID-19] na mangyayari," ani Vergeire sa isang media forum.
"Kasi ang mga kababayan natin pupunta sila riyan kung papayag kayo. Eh binuksan po natin, kaya nakapasok po ang mga tao at nakapag-swimming at nakapagsaya ang bawat pamilya. Ngunit ito po ay mali, hindi po natin ito ito-tolerate, ayaw na po nating madagdagan pa ang mga kaso."
Inabisuhan na ni Vergeire ang kanilang DOH regional office para obserbahan ang lahat ng mga dumalo sa nasabing pagtitipon.
Linggo nang hapon nang mag-viral ang ilang litrato kung saan lumalangoy ang pagkarami-raming tao sa nasabing lugar, dahilan para ipa-revoke ni Malapitan ang kanilang business license.
LOOK: People are seen swimming in a pool at Gubat Sa Ciudad Resort in Caloocan City on Sunday despite the implementation of MECQ in the NCR+ bubble.
— Philstar.com (@PhilstarNews) May 9, 2021
According to IATF guidelines, resorts are only allowed to operate in areas under GCQ and MGCQ.
????: STAR/Boy Santos pic.twitter.com/MDaygUVi0N
Hiling ngayon ng DOH sa mga kaparehong negosyo na 'wag na nilang tularan ang Gubat sa Ciudad Resort lalo na't lubha raw nitong maaapektuhan ang pagsisikap ng bansang maapula ang COVID-19 infections.
"Alam din po natin na tayo ay nasa MECQ, so alam po dapat ng ating mga kababayan kung kailan sila dapat lumabas at ano ang mga places na pwede nilang puntahan."
Kaso vs lumangoy, resort, barangay?
Sa press briefing ng Philippine National Police (PNP), sinabi ng bagong talagang hepe na si Police Gen. Guillermo Eleazar na tinitignan na nila ang mga posibleng ihaing kaso laban sa mga lumahok at nagpahintulot sa nasabing peligrosong aktibidad.
Gayunpaman, iimbestigahan muna raw nila ang nangyari at aalamin ang dahilan kung bakit ito pinayagan.
"If evidence warrants, we can file cases [against the Filipinos swimming] in the regular filing. We will see if the barangay can also be held liable and the establishment," ani Eleazar kanina.
"The point is that this should serve as a lesson and warning again to all others, not just the establishment but including the barangay chairman. They need to find a way to make sure this won't happen again."
Sa huling ulat ng DOH kahapon, umabot na sa 1.1 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 18,472 na ang patay. — may mga ulat mula kay Franco Luna