‘COVID-19 pandemic czars’ humirit ng P90 bilyong pondo
MANILA, Philippines — Humihirit ng P90 bilyon sa kongreso ang itinuturing na tatlong “pandemic czars” para pambili ng mga kinakailangang bakuna sa susunod na taon.
Ito ay matapos umanong makaharap kamakalawa ng gabi nina Senate President Vicente Sotto III at Panfilo Lacson sina vaccine czar Carlito Galvez Jr., testing czar Vince Dizon at contact tracing czar Benjamin Magalong.
Sinabi ni Lacson na kabilang sa mga ibinahagi sa kanila ng tatlo ang pangangailangan sa P90 bilyon para pambili ng mga kailangang bakuna para sa susunod na taon.
Paliwanag ng senador, hindi umano ito kasama sa regular budget ng Department of Health (DOH), subalit partikular itong ilalaan na pambili ng mga bakuna para hindi magamit sa iba at agad na mailalabas kung kinakailangan.
Bukod dito, may hirit din umano na maglaan ng P20 bilyon para sa Bayanihan 3, subalit pinayuhan umano ni Lacson ang tatlo na subukan munang humugot sa mga hindi nagagamit na pondo ng ilang ahensiya.
Ito ay dahil pinapayagan naman ito sa ilalim ng Saligang Batas at Bayanihan laws.
Ayon pa kay Lacson, may pangako ang business sector na magtalaga ng 5,000 espasyo sa mga shopping malls at hotels bilang vaccination centers at 1,200 sa mga ito ay nasa Metro Manila.
Kapag nangyari umano ito ay may sapat na supply ng bakuna at possible na mabakunahan ang may 58 milyong Filipino ngayong taon.
- Latest