Fact check: 'Kaonti' ba talaga ang isda sa West Philippine Sea gaya ng sabi ng Palasyo?
MANILA, Philippines — Kahit exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, pinapayagan ng gobyerno ang pangingisda atbp. aktibidad ng mga Tsino sa West Philippine Sea sa dahilang "hindi ito raw kilala" pagdating sa pangisdaan.
Nangyayari ito sa gitna ng pang-ookupa at pananakop ng mga isla sa West Philippine Sea ng Tsina kahit na Pilipinas ang may karapatan dito.
"Hindi naman talaga kilala itong body of water na ito for fishing dahil ang description niyan sa mga mapa 'dangerous grounds' kasi mabato riyan," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa publiko, ika-20 ng Abril.
"Ang gamit talaga riyan ay bilang sea lanes pero it's not really renowed for fishing [maliban sa Scarborough Shoal]... We may tolerate na may ibang nangingisda habang hindi naman pinipigilan na mangisda ang mga Pilipino mismo."
Ganyan na ganyan din ang giit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang talumpati noong ika-19 ng Abril:
"We want to share whatever it is. Sinabi ko naman sa inyo sa Chinese government, I’m not so much interested now in fishing. I don’t think there’s enough fish really to quarrel about."
Pero may basehan ba ang sinasabi nila kung titignan ang mga datos? Kung wala, bakit binabalewala at nagiging "not so exclusive" ang fishery resources sa West Philippine Sea?
Isda pa lang, halos P30-B na taun-taon
Sa mga datos na inihanay ng Sea Around Us — na humalaw ng mga numero mula sa Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) — lalabas ang mga sumusunod na halaga ng isdang nahuli ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa nakaraang 10 taon simula 2016:
Kung ia-average 'yan, kulang-kulang $617.7 milyon o halos P29.6 bilyon ang halaga ng huli ng isda kada taon. Naka-adjust ang mga datos sa itaas sa "real 2010 value" ng dolyares ng Estados Unidos.
"Sinabi po ni presidente, wala raw siyang pakialam sa pangisdaan, tingin daw niya hindi raw 'yon marami. Ang sabi noong spokesperson eh hindi naman 'yon valuable. 'Yan po ay nagpapakita ng kawalang kaalaman kung gaano kalahaga 'yung pangisdaan doon," ani Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.
Gayunpaman, hindi rito kasama ang halaga ng mga isdang hinuhuli ng Tsina sa loob mismo ng West Philippine Sea. Ibig sabihin, mas malaki dapat ang kinitaing pera ng napakadukhang Pilipinas habang nakapagpapakain ng mas maraming tao.
Sinasabing nasa 12% ng kabuuang global fisheries production ang matatagpuan sa South China Sea.
'Pinas mas mayaman sana dahil sa WPS, kaso...
Ayon pa kay Batongbacal, mas malaki pa sana ang maiaambabag ng West Philippine Sea sa ekonomiya ng Pilipinas kung hindi ninanakaw ng Beijing ang likas-yamang eklusibo lang dapat sa mga Pinoy.
Posible pa nga raw maging sagot ang yaman ng West Philippine Sea sa sari-saring problema ng Pilipinas kung ito mismo ang makikinabang sa kanyang pagmamay-ari. Sabi ni Batongbacal, kasama raw diyan ang:
- kahirapan
- kawalan ng edukasyon
- kawalan ng batayang serbisyong panlipunan
- rural underdevelopment
"Ang dami po sana nating requirements [sa pag-unlad] na pwedeng mapunuan kung maayos lang nating makuha 'yung ating likas-yamang dagat sa West Philippine Sea. 'Yan po ang nawawala sa atin," dagdag pa ng maritime expert.
"Sabihin nilang malayo sa bituka [ng karaniwang tao ang isyu], hindi po nila alam... kaya nga po minsan ay walang laman ang ating bituka ay dahil hindi natin nakukuha ang benepisyo doon sa ating likas-yamang dagat sa ating West Philippine Sea."
Ang West Philippine Sea ay ang bahagi ng EEZ ng Pilipinas na matatagpuan sa loob ng South China Sea. Labas sa Maynila, may EEZ din ang mga ibang bansa sa SCS.
Nasa $1 trilyon, halaga ng yamang dagat sa buong EEZ
Hindi lang West Philippine Sea ang mayamang anyong tubig sa loob ng halos 2.3 milyong square kilometer EEZ ng Pilipinas.
Kung titignan ang isang pag-aaral noong 2017 na inilabas sa website ng Unibersidad ng Pilipinas, trilyun-trilyong piso ang pinag-uusapan kung eestimahin ang halaga ng yamang-dagat sa loob ng Philippine EEZ.
Papalo sa $966.6 bilyon o P46.3 trilyong halaga ang kayang iambag sa ekonomiya ng Pilipinas kung lalahatin ang halaga ng marine ecosystems dito — kasama na ang mga mga likas-yaman gaya ng langis. "Conservative" estimate pa nga raw ito sabi ng pag-aaral lalo na't hindi pa isinama sa estima ang mga yaman na nasa continental shelf.
Una nang sinabi ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio na maaaring mawala ang nasa 80% ng EEZ ng Pilipinas sa West Philippine Sea kung hindi ito kikilos laban sa mga probokasyon ng Beijing.
- Latest