Duterte nag-sorry sa pagpapaturok ng Sinopharm
1K doses ipinasosoli sa China
MANILA, Philippines — Humingi ng sorry si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapaturok ng bakuna na gawa ng Sinopharm ng China kahit walang emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration.
Ipinasosoli rin ng Pangulo sa Chinese Embassy ang 1,000 doses ng Sinopharm vaccines na ibinigay sa Pilipinas upang matigil na ang batikos tungkol sa paggamit ng bakuna na hindi pa nabibigyan ng EUA .
Sa kabila nito, pinanindigan ni Duterte na legal ang ibinigay na “compassionate use” para magamit ang Sinopharm sa bansa.
Ayon sa Pangulo, inirekomenda ng kanyang mga doktor ang Sinopharm dahil maganda ang record nito sa labas ng Pilipinas.
Sinabi pa ng Pangulo na sa mga susunod na araw ay mawawala na ang Sinopharm sa bansa dahil sa personal request niya na bawiin na ang 1,000 doses ng bakuna.
Maghihintay na lang aniya ang gobyerno ng Sinovac at ng iba pang darating na bakuna.
Sa kabila nito, Sinopharm pa rin ang ikalawang dose ng bakuna na ituturok kay Duterte.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kukuha pa rin ng bakuna para sa Pangulo mula sa 1,000 doses ng Sinopharm na ipinapasoli ni Duterte sa China.
“Siyempre po, hindi ibabalik iyong pang-second dose ni Presidente para matapos niya ang second dose niya,” paniniyak ni Roque.
- Latest