MANILA, Philippines — Ipinakukuha na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga unregistered na bakunang donasyon ng Tsina laban sa coronavirus disease (COVID-19), matapos humingi ng tawad sa publiko para sa pagpapaturok ng unang dose nito.
Aabot sa 1,000 ang mga nabanggit na bakuna, na una nang itinurok kay Digong noong Lunes kahit walang Food and Drug Administration (FDA) registration. May special permit man sila rito, unfair daw sa publikong Sinovac o AstraZeneca lang ang proteksyon sa COVID-19.
Related Stories
"[W]ell, we are sorry that we committed the things that you are criticizing us for. We accept responsibility. At ako mismo nagpaturok, well, it’s the decision of my doctor," ani Digong, Miyerkules ng gabi.
"When the government allowed it to be used for compassionate use, that itself was an authority for people to be injected. Pero kakaunti lang ang naturukan nito... You withdraw all Sinopharm vaccines, 1,000 of them. Huwag ka na lang magpadala ng Sinopharm dito para walang gulo. Sabi ko ibigay mo lang sa amin ‘yong Sinovac na ginagamit sa lahat."
Sinabi ito ni Duterte kahit na wala pa siyang ikalawang dose ng Sinopharm. Hindi pa klaro kung ibang COVID-19 vaccine na lang ang kanyang ipapaturok para makumpleto ang dosage.
Ang compassionate special permit (CSP) ay iginagawad ng FDA sa mga ospital o doktor para makagamit ng mga gamot na wala pang certificate of product registration.
'Di tulad ng Sinovac at AstraZeneca, ang Sinopharm ay wala pa ring emergency use authority (EUA), na ibang permit para makagamit ng unregistered drug sa panahon ng public health emergency.
Pero dahil wala pang EUA ang Sinopharm, hindi pa ito dumaraan sa anumang pag-aaral ng local medical experts at wala pang sinusumiteng anumang mga dokumento.
Una nang nabigyan ng CSP para sa Sinopharm ang Presidential Security Group Hospital, kahit na nagturok na ng nasabing gamot ang kanyang security personnel gamit ang smuggled na gamot noong wala pa iniisyung special permit.
Umabot na sa 1,071,55 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health kahapon. Sa bilang na 'yan, 17,800 na ang patay.