Paggamit ng Aspirin sa COVID-19 patient maaaring makamatay – DOH

Ito ang reaksyon ng DOH sa kumakalat na pekeng impormasyon sa social media na nanghihikayat sa tao na gamitin ang aspirin dahil sa hindi naman umano mula sa virus ang COVID-19 ngunit dahil sa bacteria.
Tomaž Štolfa/CC BY-NC

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa paggamit ng aspirin sa mga pasyente na may COVID-19 dahil maaaring magdulot ito ng kamata­yan sa halip na paggaling.

Ito ang reaksyon ng DOH sa kumakalat na pekeng impormasyon sa social media na nanghihikayat sa tao na gamitin ang aspirin dahil sa hindi naman umano mula sa virus ang COVID-19 ngunit dahil sa bacteria.

Ayon sa post, nakapagsagawa umano ang Russia ng awtopsiya sa isang namatay sa COVID-19 at ito ang nadiskubre. Ang bacteria umano ang nagdudulot ng blood clotting kaya nahihirapan ang pasyente na makahinga.

Ngunit iginiit ng DOH na isang uri ng virus ang COVID-19 at hindi bacteria kaya hindi tamang ipainom sa pasyente ang aspirin ng walang abiso sa doktor dahil ito ay “delikado at mapa­nganib”.

“Hindi inirerekomenda ang pag-inom ng aspirin pangontra sa COVID. Ang maling pag-inom nito ay maaaring magdulot ng pagdurugo sa katawan at pagkamatay. Ito ay binibigay lamang sa mga pasyenteng kailangang mai-admit sa ospital,” ayon sa DOH.

Nanawagan ang DOH sa publiko na palagiang beripikahin ang mga impormasyong nakukuha sa social media sa mga lehitimong sources.

Show comments