^

Bansa

DOH: Pinoy balikbayan apektado din ng 'India travel ban' dahil sa COVID-19

James Relativo - Philstar.com
DOH: Pinoy balikbayan apektado din ng 'India travel ban'  dahil sa COVID-19
Umaapoy ang mga "funeral pyres" na ito sa isang cremation ground sa Allahabad, India habang sinusunog ang mga labi ng mga namatay doon sa COVID-19, ika-27 ng Abril, 2021
AFP/Sanjay Kanojia

MANILA, Philippines — Apektado ng travel ban kahit ang mga Pilipino't overseas Filipino workers na nais umuwi galing sa bansang India, dahil na rin sa bagong travel restrictions bunsod ng nakalululang coronavirus disease (COVID-19) cases doon.

Ito ang inilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire isang araw matapos ipataw ang ban, kasabay ng bagong B.1.617 COVID-19 variant doon. India rin ang may pinakamatataas na single-day case increase sa buong daigdig.

Magsisimula ang ban sa Huwebes ng ika-29 ng Abril hanggang ika-14.

"Sa ngayon, parang napagdesisyunan na even our fellow Filipinos hindi muna natin papapasukin for this temporary period, 'yung sinasabi nilang 14 na araw o dalawang linggo," ani Vergeire, Miyerkules.

"This is just so we can be able to ensure na ma-guard natin 'yung borders natin. So lahat naman po 'yan ay ita-transmit as advisory, especially for our fellow Filipino who would wish to go home coming from this country."

Tanging mga biyaherong nakatakdang lumapag ng Pilipinas bago ang nakatakdang araw ang papayagang pumunta ng Pilipinas. Gayunpaman, dapat silang sumailalim sa 14-day quarantine — mapapositibo o negatibo man ang resulta ng kanilang swab tests.

Kasalukuyang punuan ang mga ospital at crematoriums ngayon sa India dahil sa tindi ng COVID-19 situation doon. Nagsasagawa na rin ng mga sabayan o "mass cremations" dahil sa laki ng bilang ng mga namamatay.

Nasa 1.01 milyon na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas ayon sa mga huling datos. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 16,916 katao.

DFA kumambyo sa tono

Hati naman ang pakiramdam diyan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, lalo na't nangangahulugang hindi makakalikas sa COVID-19 situation ng India ang mga Pinoy abroad.

Sinabi niya 'yan kahit na siya mismo ang nagrekomenda sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na magpatupad ng travel ban sa buong Indian subcontinent.

"Good policy but consider: every Filipino has the absolute right to go home, especially fleeing to A Place of Greater Safety... from a place of grave peril. If any get infected in India and die for lack of medical care, we’re screwed," wika ni Locsin kanina.

Martes lang nang mamatay ang dalawang Pilipino sa India dahil sa COVID-19, maliban sa 20 Pinoy na nahawaan din. Tinatayang nasa 1,200 ang OFWs sa nasabing bansa, ayon sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration.

Una nang sinabi ng Department of Health na "variant under investigation" at hindi pa itinuturing na "variant of concern" (VOC) ang B.1.617 variant na unang nadiskubre sa India.

Sinasabing mas nakahahawa kaysa normal na variants ng COVID-19 ang iba pang VOCs gaya ng P.1, B.1.351 at B.1.1.7. Pare-pareho nang nasa Pilipinas ang mga variant na 'yan.

DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS

DEPARTMENT OF HEALTH

INDIA

MARIA ROSARIO VERGEIRE

NOVEL CORONAVIRUS

TEODORO LOCSIN JR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with