ICU beds sa NCR ‘high risk’
MANILA, Philippines — Nasa “high risk” na ang occupancy rate ng intensive care unit (ICU) beds sa National Capital Region dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Sa datos ng Department of Health (DOH), hanggang nitong Abril 18, ang ICU utilization rate sa Metro Manila ay nasa 84% na; 73% sa Cordillera Administrative Region (CAR); 88% sa Cagayan Valley, 87% sa Central Luzon at 83% sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Sa ilalim ng DOH guidelines, ang isang rehiyon ay kinaklasipikang moderate risk kung ang ICU rate nito ay nasa pagitan ng 60% at 69%; high risk kung sa pagitan ng 70% at 84%, at critical risk kung nasa 85% pataas.
Samantala, ang pangkalahatang healthcare utilization rate (HCUR) naman na tumutukoy sa occupancy ng mga ward, isolation at ICU beds, sa naturang limang rehiyon ay nasa moderate to high risk.
Ang HCUR sa CAR, Cagayan Valley, at Calabarzon ay pawang nasa high-risk zone na ma-tapos umabot sa 70% pataas.
Dahil dito, umapela si PGH spokesman Dr. Jonas del Rosario na mapapalawig ang umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus ng higit pa sa Abril 30 upang mas mapabagal ang impeksyon.
Binanggit ni Del Rosario na sa PGH, limang pasyente na may COVID-19 ang nasasawi kada araw sa loob na ng tatlong linggong mag-kakasunod.
Ito ay dahil sa dami ng pasyente na nakaratay sa ospital. Puno na umano ang 30 higaan sa kanilang ICU at maging ang 25 higaan sa emergency room habang 220 sa 250 COVID beds ang okupado.
Mas malala umano ang sitwasyon ng PGH kung ikukumpara noong nakaraang taon. Tulad ng ibang ospital, kailangan din ngayon na maghintay ang mga pasyente bago sila makakuha ng higaan sa ICU.
- Latest