Clinical trial ng Ivermectin, inutos ni Pres. Duterte
MANILA, Philippines — Ikakasa ng Food and Drugs Administration (FDA) ang clinical trial sa anti-parasitic drug na Ivermectin at sleep-inducing drug na Melatonin upang mabatid ang pagiging epektibo ng mga ito laban sa COVID-19.
Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang nag-utos sa Department of Science and Technology (DOST) na magkasa ng clinical trial para sa Ivermectin para masubukan kung pupuwedeng gamot sa mga Pilipino.
Una nang sinabi ng DOST na hindi na kailangan ang clinical trials para sa Ivermectin dahil sa may 20 trials na malapit nang matapos at 40 pang isinasagawa ang iba’t ibang bansa.
Sa Pilipinas, nakarehistro ang Ivermectin bilang gamot ng mga beterinaryo at ginagamit lamang laban sa mga parasitiko.
Isasailalim din sa clinical trial ang melatonin na gamit naman ng mga nahihirapan na makatulog.
Sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña na ibinibigay din kasi ang melatonin sa mga pasyente na severe ang kaso at nakakabuti umano sa kundisyon ng mga pasyente.
Inaprubahan rin ang trials sa isang uri ng steroid na methylprednisolone na posibleng makatulong rin sa mga pasyente na malulubha ang kundisyon.
- Latest