Fixed Broadband Internet sa Pinas umangat ng 19 puntos sa Global Ranking
MANILA, Philippines — Mas bumilis pa ang fixed broadband internet sa Pilipinas makaraang umangat ng 19 puntos sa global ranking sa nakalipas na dalawang buwan, base sa March Ookla Speedtest Global Index report.
Ayon sa datos ng Ookla, nakapagtala ng 7.79Mbps na pagtaas sa bilis ng internet sa bansa. Mula sa 38.46 Mbps noong nakaraang buwan ng Pebrero ay naging 46.25Mbps nitong Marso.
Noong Hulyo 2016, nasa 7.91Mbps lamang ang download speed sa bansa kaya tumaas na ito sa ngayon ng 484.70%.
Sa 177 mga bansa na isinailalim sa pag-aaral, lumapag na ang Pilipinas sa ika-81 puwesto pagdating sa fixed broadband speed.
Dahil sa pag-angat ng Pilipinas sa pwesto noong Marso ay naging “2nd best” na ito sa buong mundo habang sinusundan ang bansang Oman.
Sinabi rin ng Ookla na ang pagtaas sa mobile speeds na naitala nitong mga nakaraang buwan ay nagresulta sa pagtaas ng Pililipinas sa global ranking. Noong Disyembre 2020 ay umangat ng 14 puntos ang bansa sa ranking at 10 puntos na pag-angat noong Enero 2021.
Sa 140 mga bansa, ang Philippine mobile speed ay nasa ika-86 puwesto noong Enero 2021 mula sa ika-111 sa kaparehong petsa ng 2020.
- Latest