Bagyong Bising typhoon na; Signal no. 1 sa Samar provinces nagbabadya

Bandang 10 a.m. nang mamataan ang bagyo 960 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte
Released/PAGASA

MANILA, Philippines — Tuluyan nang itinaas sa typhoon category ang isang sama ng panahon na kapapasok lang sa Philippine area of responsibility (PAR), pagbabalita ng state weather bureau ngayong araw.

"At 8:00 AM today, 'BISING' intensified into Typhoon category. Over the next three days, 'BISING' is forecast to steadily intensify," ayon sa ulat ng PAGASA, Biyernes.

Narito ang mga huling detalye tungkol sa sama ng panahon nitong 10 a.m.:

  • Lokasyon ng mata: 960 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte
  • Lakas ng hangin: 130 kilometro kada oras malapit sa gitna 
  • Lakas ng bugso: 160 kilometro kada oras
  • Pagkilos: kanluran hilagangkanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras

Bandang 6:20 a.m. nang pumasok ng PAR ang bagyo at nakikitang kikilos pakanluran-hilagangkanluran hanggang Lunes bago pumihit pahilagangsilangan.

"'BISING' is currently not directly causing severe weather over any portion of the country," patuloy ng PAGASA sa isang pahayag. 

Malaki ang posibilidad na makaaapekto ang hangin at malalakas na pag-ulan sa Eastern Visayas at Kabikulan simula Linggo dahil mismo sa bagyo.

Signal no. 1 nagbabadya

Posibleng itaas ang Tropical Cycline Wind Signal no. 1 sa ilang lugar sa Northern at Eastern Samar ngayong gabi bilang paghahanda sa malalakas na hangin at "near gale conditions" dahil sa typhoon.

Kahit na hindi pa nakikitang sasalpok direkta sa lupa ang sama ng panahon, pinag-iingat ngayon ang publiko mula sa posibleng peligro na dalhin nito sa kalupaan at coastal waters.

"In the next 24 hours, 'BISING' will bring rough to very rough seas (2.8 to 4.5 m) over the eastern seaboards of Visayas and Mindanao. Mariners of small seacrafts are advised to take precautionary measures when venturing out to sea," saad pa ng PAGASA. — James Relativo

Show comments