MANILA, Philippines — Malaki-laking maritime area ang mawawala sa Pilipinas kung hindi nito maproprotektahan ang West Philippine Sea mula sa mga maniobra ng Tsino — mas malaki sa landmass ng bansa, babala ni Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Nabanggit ito kasunod ng sari-saring probokasyon ng Beijing sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Maynila, gaya na lang ng 240 pananatili ng Chinese ships sa West Philippine Sea.
Related Stories
"If we do not act as one, if we do not exert all effort, exhaust all remedies, we will lose 80% of our EEZ in the West Philippine Sea. We will lose a maritime area larger than our total land area," sabi ng dating mahistrado, Huwebes, sa panayam ng ANC.
"We are depriving future generations of Filipinos the marine wealth that is found in this huge maritime area that we will lose to China... The president should love the Filipino people, not President Xi Jinping."
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang habulin ng dalawang barkong may lulang missiles ang crew ng isang ABS-CBN reporter sa West Philippine Sea, matapos nitong tangkaing magtungo sa Ayungin Shoal.
Miyerkules lang nang maghain ng panibagong diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs laban sa Asian superpower dahil sa mga gawi ng "Chinese Coast Guard" at "Chinese maritime militia" sa lugar na dati nang in-award ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas noong 2016.
Anong pwedeng gawin ng Pinoy?
Ayon kay Carpio, na dati nang kritiko ng pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa problema kontra Tsina, dapat ipagpatrolya ang Philippine Navy sa EEZ nito, maliban sa pagtatayo ng sari-saring istruktura roon. Ganyan na kasi ang ginagawa ng Tsina kahit sa mga eryang dapat kontrolado ng Maynila.
"It's really up to us. If we want to defend, we can defend, we have allies, we have the [US Mutual Defense Treaty]. We can send ships and if they are attacked we can invoke the treaty," dagdag ni Carpio.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit hindi pa inaatake ng Tsina ang BRP Sierra Madre na nakahimpil sa Ayungin Shoal. Dapat din daw matuto ang Pilipinas sa pagmamatigas ng Vietnam at Malaysia pagdating sa kanilang EEZ. Hinaharap naman daw nila ang Tsina sa dagat ngunit tuluy-tuloy pa rin ang kanilang economic relations.
Ilang beses nang sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niyang magpadala ng Navy sa tuwing may Chinese incursion sa West Philippine Sea dahil "ayaw niyang mauwi ito sa gera."
"President Rodrigo Duterte can, in fact, resort to UNCLOS and other treaty bodies to demand justice for what China is doing. Malacañang must assert the historic Permanent Tribunal ruling in 2016 and abandon now its so-called 'soft-landing policy' in its pivot to China," ayon naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate nitong Miyerkules.
Malamig naman si Zarate sa pagpapapasok ng Pilipinas sa Amerika sa pamamagitan ng Balikatan Exercises, lalo na't mauuwi lang daw ito sa pagkakaipit sa isa sa mga nagbabanggaang superpower sa mundo.
Friendship sa Tsina 'magtutulak sa kanilang umalis'
Ayaw pa naman magbigay ng palagay ng Malacañang kung hanggang kailan mananatili ang Tsina sa West Philippine Sea kahit na "kaibigan" ni Duterte si Chinese presidential Xi Jinping.
"Hindi ko po masasabi 'yan. Pero inaasahan po natin na ang malapit na pagkakaibigan po natin [ang] magiging dahilan kung bakit sila ay aalis nang mas maaga kaysa sa mas matagal," ani presidential spokeperson Harry Roque sa isang press briefing kanina.
"Let's leave the president to his devices. Ipinapakita naman po niya na so far, in the past five years of his administration, we have moved from a position of antagonism with China to a position of friendship."
Dati nang binabanatan ni Carpio at ng Kaliwa si Duterte dahil sa aniya'y malambot na paghawak sa isyu ng West Philippine Sea lalo na't malapit sa kanya ang pinuno ng Tsina, maliban sa mga natatanggap na COVID-19 vaccines mula sa Sinovac.