383 volcanic earthquakes yumugyog sa Bulkang Taal sa nakaraang 24 oras
MANILA, Philippines — Umabot sa 383 volcanic earthquakes ang naitala sa paligid ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ngayong Miyerkules.
Kabilang sa mga naitalang paglindol ay ang sumusunod:
- 232 volcanic tremors
- 143 low frequency volcanic earthquakes
- 1 low-level background tremor
Malaking pagtalon ito mula sa 158 volcanic earthquakes na iniulat ng Taal Volcano Network nitong Martes, na sinyales ng papataas na seismic activity ng bulkan.
- Ibinugang sulfur dioxide: 1,886 tonelada kada araw (ika-12 ng Abril 2021)
- Temperatura ng lawa ng Main Crater: 71.8ºC (ika-4 ng Marso 2021)
- Acidity: pH 1.59 (ika-12 ng Abril 2021)
"Samantala, may naganap na upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater kahapon ng umaga, na nagdulot ng pagsingaw na umabot ng tatlong daang (300) metro mula sa aktibong fumaroles sa bandang hilaga ng lawa ng Main Crater," ayon sa Phivolcs kanina.
"Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan."
Patuloy pa ring nakapagtatala ng marahan na pamamaga ng kalakhang Taal magmula pa nang huling sumabog ang bulkan noong Enero 2020.
Patuloy na panganib ng bulkan
Nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal, dahilan para muling ipaalala ng Phivolcs na maaaring biglang maganap ang sumusunod sa paligid ng Taal Volcano Island (TVI):
- steam-driven o phreatic na pagputok
- volcanic earthquake
- bahagyang abo
- mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas
"Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal," sabi pa ng Phivolcs sa isang statement.
Pinaaalalahan din ng gobyerno ang mga may-katungkulan sa civil aviation na hikayatin ang kanilang mga piloto na iwasang magpalipad ng eroplano malapit sa bulkan dahil sa "naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan."
Matatandaang libu-libo ang inilikas sa rehiyon ng Calabarzon matapos huling sumabog ang bulkan noong umabot ito sa Alert Level 4 Enero noong nakaraang taon, dahilan din para umabot ang mapanganib na "ashfall" hanggang Metro Manila. — James Relativo
- Latest