Higit 1 milyong Pinoy nabakunahan na vs COVID-19
MANILA, Philippines — Mahigit na sa isang milyong Filipino ang nabigyan ng bakuna laban sa COVID-19, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nasa 132,228 ang nabigyan ng second dose ng bakuna samantalang sa kabuuan ay umabot sa 1,39,644 na maituturing aniyang isang mahalagang “achievement.”
Karamihan sa mga nabigyan ng bakuna ay nasa National Capital Region, sinundan ng Central Luzon Region, CALABARZON, Central Visayas, Davao Region,Ilocos Region, Northern Mindanao at Western Visayas Region.
Sa mga A1 health frontliners – 965,169 ang nabakunahan; ang first dose ay 848,986; second dose ay 116,183.
Nasa 280,569 dose na rin ang naibigay sa NCR kung saan 269,814 ang first dose at 10,755 ang second dose.
Pinakamalaking nabigyan ng bakuna ay sa Manila, sumunod ang Quezon City, Caloocan City, Pasig City, Taguig City, Marikina City, Mandaluyong City, Muntinlupa City at Makati City.
Ipinagmalaki rin ni Roque na kahit pa nahuli ang Pilipinas sa pagbibigay ng bakuna, pangatlo na ito ngayon sa bilang ng may pinakamaraming na-bigyan ng bakuna sa ASEAN kung saan nangunguna ang Indonesia at sinundan ng Singapore.
Umaabot na aniya sa 14,000,744 ang nabakunahan sa Indonesia, sinundan ng Singapore na 1.7 at ang Pilipinas na 1.1 milyon.
Sumunod sa Pilipinas ang Myanmar, Malaysia, Thailand, Cambodia, Vietnam, Laos at Brunei.
- Latest