MANILA, Philippines — Anumang oras ay maaaring dumating na sa bansa ang bakuna mula sa Pfizer at Moderna kontra sa COVID-19.
Ayon kay Phl Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, inaasahang ngayong Mayo ay makukumpleto na ng Estados Unidos ang supply ng kanilang mga bakuna para sa lahat ng kanilang mamamayan at matapos nito ay handa na ang mga susunod na productions para i-export.
Bagama’t inaasahan na umano ito ng Pilipinas ay ayaw naman ng nasabing bansa na 100% mag-commit kahit sinasabi ng Moderna at Pfizer na hindi na matatagalan ay maaari na silang makapagdeliver ng bakuna sa Mayo.
Nauna na rin sinabi ni vaccine czar secretary Carlito Galvez Jr., na nag-commit na ng bakuna ang Pfizer, Moderna at Johnson & Johnson.
Karagdagan ito sa 30 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa Moderna na inorder ng gobyerno ng Pilipinas at panibagong 5 million doses na inaasahang maide-deliver agad.