MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na hindi naapektuhan ng banta ng pandemya ang benepisyo ng mga bayaning beterano, kahit anong quarantine classification pa ang umiiral sa bansa.
Ang paniniyak ay ginawa ni PVAO administrator Usec. Ernesto Carolina kasabay ng kanilang paggawa ng mobile applications para makikita at makukumusta ang mga beterano kahit hindi personal na nakakapunta sa kanilang opisina.
Dati kasi ay obligado ang mga ito na maglabas ng “proof of life,” bago mai-release ang pensyon at iba pang tulong, para matiyak na napupunta ang biyaya sa tamang benepisaryo.
Nabatid na may sapat ding pondo para sa mga programa ng PVAO dahil may mga property silang napagkukunan, maliban pa sa ipinagkakaloob ng gobyerno.
Sa pagtaya ni Carolina, nasa 4,000 pa ang nabubuhay na World war II veterans, maliban pa sa mga retiradong sundalo na ikinokonsidera na rin bilang beterano.