MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na meron na silang iilan na pinayagang gumamit ng gamot na Ivermectin bilang treatment sa coronavirus disease (COVID-19), matapos aprubahan ang espesyal na permit.
Ito ang sinabi ni FDA director general Eric Domingo matapos sabihin ng Department of Health (DOH) na labag sa Republic Act 9711 ang pagbibigay ng naturang gamot laban sa COVID-19.
Related Stories
"Meron na po kaming na-grant dahil nga po ang Ivermectin ay isang investigational product at alam naman nating may mga clinical trials ongoing dito para gamitin against COVID-19," ani Domingo, Huwebes, sa Laging Handa briefing.
"[M]ay isang ospital sa amin na nag-apply ng compassionate special permit for the use of Ivermectin, at ito po ay na-grant na ngayong araw na ito."
Tumutukoy ang CSP sa permit na kailangang kunin ng doktor para sa kanyang pasyente para makagamit ng unregistered na gamot. Kinumpirma naman ni Domingo sa PSN na para sa COVID-19 ang CSP na ibinigay sa nasabing ospital.
Una nang sinabi ng Merck, manufacturer ng gamot, na "walang scientific basis" laban sa COVID-19 ang paggamit ng Ivermectin.
Iligal kung walang CSP
Gayunpaman, iligal pa rin gamitin at ireseta ang Ivermectin laban sa COVID-19 kung walang CSP. Hindi pa rin kasi ito rehistrado laban sa nasabing sakit para sa mga tao.
Pwedeng makulong ng isa hanggang sampung taon ang sinumang namimigay ng Ivermectin laban sa COVID-19, maliban sa P500,000 hanggang P5 milyong multa.
Rehistrado lang sa ngayon ang Ivermectin para sa tao kung ipapahid sa katawan (topical medication) laban sa laban sa kuto at sakin conditions gaya ng rosacea. Ang iniinom na Ivermectin ay rehistrado lang ngayon sa mga hayop para labanan ang "heartworm diseases," parasitiko sa loob at labas ng katawan.
Una nang sinabi ni AnaKalusugan party-list Rep. Mike Defensor na namimigay siya ngayon ng libreng "human grade" Ivermectin sa Quezon City "habang wala pang bakuna" laban sa COVID-19.
Sagot ni Cong. Mike Defensor ang IVERMECTIN niyo habang wala pa ang bakuna. Uunahin muna ang mga may sakit, ang mga...
Posted by AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor on Sunday, April 4, 2021
Nagpaparehistro bilang 'anti-parasitic'
Samantala, kinumpirma rin ng FDA na merong nang dalawang aplikasyon para sa certificate of product registration (CPR) para sa Ivermectin. kailangan ito bago payagan benta sa publiko ang gamot.
"CPR applications are for human use as anti-parasitic," ani Domingo, habang inililinaw na hindi ito panlaban sa COVID-19.
"Ito lang naman po ang sinasabi ng FDA: Hindi po kami kontra sa Ivermectin, pero kailangan pong irehistro 'yung produkto at dumaan lamang po sa tamang proseso ng pagsiguro po na quality ng gamot na makakarating sa tao."
Sa ngayon, binigyan na raw ng listahan ng requirements ang mga nabanggit para umandar ang kanilang application at ma-evaluate.