DOH nagbabala sa paggamit ng oxygen tank sa mga bahay
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa paggamit ng oxygen tank sa kani-kanilang mga bahay.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, hindi simple ang paggamit ng oxygen tank at dapat na ‘appropriate’ ang level ng oxygen base sa kondisyon ng pasyente.
Sabi ni Vergeire, sa halip na makabuti, posibleng mas makasama pa sa kondisyon ng pasyente ang maling paggamit ng oxygen tank.
Kung wala naman umanong sakit, pangangaila-ngan o problema sa respiratory ay baka makasama pa ang paggamit ng oxygen tank sa kanila.
Giit ni Vergeire, mas mainam kung alamin muna ng mga tao kung ano ang kanilang nararamdaman bago gumamit ng oxygen tank, upang hindi ito magdulot ng masamang epekto sa paghinga at sa kalusugan.
Dagdag ni Vergeire, baka makaapekto rin sa suplay at pangangaila-ngan ng mga ospital kung ang mga household o mga bahay-bahay ay bibili o magkakaroon ng sariling mga oxygen tank.
Nakikiusap si Vergeire sa mga supplier, o kaya’y sa mga taong nagbebenta o nagpapahiram ng oxygen tanks na sana ay isaprayoridad muna ang mga ospital kung saan ginagamit ang mga oxygen tank para sa mga pasyenteng severe o kritikal ang kaso ng COVID-19.
Kung kailangang-kailangan aniya ng oxygen tank, ang mga tao ay maaaring humingi ng advise at tulong sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan at mga doktor.
- Latest