MANILA, Philippines — Tulad ng mga kapitbahay na bansa sa Southeast Asia, dapat ding magpakita ng matibay na paninindigan ang Pilipinas laban sa presensiya ng mga barkong pangisda at iba pang maritime assets ng China sa West Philippine Sea, ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.
Iginiit ni Pangilinan na panahon nang ipahayag ng bansa ang mariing pagtutol sa pagpasok ng China sa ating teritoryo upang maprotektahan ang interes at kapakanan ng mga Pilipino.
“Panahon nang ipa-kita natin sa China na nanindigan tayo tulad ng ating mga kapit-bayan natin sa ASEAN na Vietnam at Indonesia. Imbes na maging maamo at sunud-sunuran, tinaguyod nila ang interes ng kanilang bayan,” ani Pangilinan.
Para kay Pangilinan, hindi dapat pumayag ang pamahalaan na hawakan tayo ng China sa leeg at manatiling tahimik at sunud-sunuran na lang habang inaagaw sa mga Pilipino ang Julian Felipe Reef.
Sinuportahan din ni Pangilinan ang panawagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa China na alisin ang kanilang mga barko sa nasabing lugar dahil wala na silang dahilan para manatili roon.
Ayon sa Senador, dapat nang itigil ng China ang kaduda-duda at illegal nitong pag-angkin sa mga teritoryong sakop pa ng karagatan ng Pilipinas.
Aniya, dapat gayahin ng Pilipinas ang ginawang pagkilos ng Vietnam at Indonesia para ipahayag ang kanilang pagtutol sa ginagawa ng China.
Naghain ang Vietnam ng ilang protesta laban sa China habang pinalakas naman ng Indonesia ang relasyon nito sa Japan at iba pang mga kaalyado upang mapalakas ang kanilang presensiya sa pinag-aagawang teritoryo.