TUGUEGARAO CITY, Philippines — Sa kabila na naturakan na ng bakuna laban sa COVID-19, nasa 23 medical health workers ng Alcala Municipal Hospital (AMH) sa Cagayan ang nagpositibo pa rin sa nasabing sakit noong Martes.
Sa social media advisory ni Alcala Mayor Christine Antonio, ang mga tinamaan ng virus ay pawang mga doktor, nurse at iba pang hospital staff.
Aniya, ang hospital ay dati nang may 14 pasyenteng may COVID-19 at sila’y inaalagaan ng mga healthcare workers na nahawaan ng virus.
Kinumpirma naman sa PSN ni Cagayan Provincial Health Officer Dr. Carlos Cortina na ang mga kawani ng naturang ospital ay naturukan ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19 noong nakalipas na buwan bago sila tinamaan ng virus.
Hindi tinukoy ni Cortina kung anong bakuna ang tinanggap ng mga taga AMH. Dahil dito, umapela ang mayor ng tulong para sa lutong pagkain at iba pang pangangailangan ng mga nasa loob ng ospital dahil walang maaaring lumabas sa kanila.