Pamimigay ng 'Ivermectin' vs COVID-19 labag sa batas — heto ang mga parusa
MANILA, Philippines — Ipinaalala ng Department of Health (DOH) na paglabag sa batas ang pagbibigay ng gamot na "Ivermectin" laban sa coronavirus disease (COVID-19) lalo na't hindi ito rehistrado para sa gamitin ng tao sa naturang kaparaanan.
Ilang mambabatas mula sa Kamara ang nagtutulak ng resolusyon pabor sa nasabing gamot laban sa nakamamatay na COVID-19 — gaya na lang nina Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at 1-PACMAN Party-list Rep. Enrico Pineda.
Ipinamumudmod na rin ng ilang personalidad ang naturang gamot gaya na lang ni Defensor, na ibinibigay ito nang libre sa Quezon City. Ibinebenta na rin ito online.
Sagot ni Cong. Mike Defensor ang IVERMECTIN niyo habang wala pa ang bakuna. Uunahin muna ang mga may sakit, ang mga...
Posted by AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor on Sunday, April 4, 2021
Labag sa RA 9711
Kaso... paglabag na sa Republic Act 9711 kung ipagamit ito sa tao laban sa pathogen na nakadali na sa 812,760 katao sa bansa at pumatay sa 13,817.
"The most important law that is being violated for this supposed dispensing of Ivermectin is the RA 9711. Ito 'yung [Food and Drug Administration] Act of 2009," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Miyerkules.
"And specific to that law, sinabi mismo na 'yung mga hindi rehistradong gamot, hindi natin pwedeng ipagamit sa ating mga kababayan."
Sa ilalim ng naturang batas, ipinagbabawal ang mga sumusunod pagdating sa mga gamot na hindi rehistrado:
- manufacture
- importation
- exportation
- pagbebenta
- pag-aalok na ibenta
- pamamahagi
- paglilipat
- advertising, promotion at sponsorship ng health products nang walang pahintulot ng FDA
'Oral' Ivermectin pang-hayop lang, hindi rehistrado vs COVID-19
Merong mga uri ng Ivermectin na rehistrado sa FDA, kaso hindi ito laban sa COVID-19 at hindi dapat lunukin/iturok ng tao.
Rehistrado para sa hayop (veterinary product):
- nilulunok/itinuturok
- pinapayagan lang kontra "heartworm diseases," parasitiko sa loob at labas ng katawan
Rehistrado sa tao:
- ipinapahid sa katawan (ointment, cream, etc.)
- gamot laban sa kuto at sakin conditions gaya ng rosacea
"'Yung mga pagdi-dispense natin ng mga gamot, dapat mga doktor at healthcare professionals ang gumagawa. Hindi puwedeng ordinaryong tao ang nagdi-dispense ng gamot na ito," patuloy ni Vergeire.
"[K]apag hindi po rehistrado ang gamot na ite-take niyo, the government cannot assure that these can be safe for you and it's going to really protect you from that specific disease."
Una nang sinabi ng FDA DOH na delikadong gumamit ng "animal products" ang tao gaya ng Ivermectin dahil concentrated ito at maaaring nakalalason. Hindi pa rin daw established kung mas marami itong benepisyo.
May parusang kulong, katakot-takot na multa
Ito ang sinasabi ng Section 11 ng RA 9711 — na nag-aamenyenda sa RA 3720 — patungkol diyan:
"Any person who violates... shall, upon conviction, suffer the penalty of imprisonment ranging from one (1) year but not more than ten (10) years or a fine of not less than Fifty thousand pesos (P50,000.00) but not more than Five hundred thousand pesos (P500,000.00), or both, at the discretion of the court."
"Provided, further, That an additional fine of one percent (1%) of the economic value/cost of the violative product or violation, or One thousand pesos (P1,000.00), whichever is higher, shall be imposed for each day of continuing violation."
Offender na manufacturer, importer o distributor: Ikukulong nang hindi bababa sa limang taon hanggang 10 taon ang nabanggit. Pagmumultahin din siya ng P500,000 hanggang P5 milyon.
- Latest