MANILA, Philippines — “Naghahanap ng pera o makakain kaya marahil lumalabas ang mga tao sa bahay kahit hindi naman “APOR” o Authorized Persons Outside Residence.
Ito ang reaksyon ni ACT-CIS Partylist Cong. Eric Yap sa panayam kung bakit pilit na lumalabas pa rin ng bahay ang ilang tao kahit enhanced community quarantine (ECQ) na sa NCR Bubble Plus.
Aniya, “wala namang gustong magka-Covid pero kung kumakalam na ang sikmura ng iyong pamilya, hahayaan mo na lang ba, lalo na kung ikaw ay isang ama at asawa?” “Mahirap husgahan ang mga tao na nasa labas ng bahay. Hindi lahat ay namamasyal o tsismis o alak ang hanap...marahil pagkain para sa pamilya ang lakad niyan,” dagdag pa ni Yap.
Kaya pakiusap niya sa pamahalaang nasyunal at lokal, ibaba na ang mga ayuda lalo pa’t na-extend ang ECQ hanggang April 11 sa Metro Manila at karatig probinsya.