Ayuda puwedeng cash o in kind
MANILA, Philippines — Ipinapaubaya na ng Malakanyang sa local government units (LGUs) kung ang ipapamigay na ayuda ay cash assistance o pagkain sa mga benepisyaryo sa National Capital Region (NCR) plus na nasa ilalim ng enhance community quarantine (ECQ).
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pre-recorded Talk to the People noong Lunes ng gabi ang pamamahagi ng P1,000 sa bawat isa ng 22.9 milyon indibiduwal na naapektuhan ng ECQ simula noong Marso 29 hanggang Abril 4.
Sinabi pa ni Roque na 11.2 milyon indibiduwal ang mabebenepisyuhan mula sa NCR, 3 milyon sa Bulacan, 3.4 milyon sa Cavite, 2.7 milyon sa Laguna at 2.6 milyon sa Rizal.
Idinagdag pa niya na nilagdaan ng Pangulo ang Special Allotment Release Order (SARO) at ang pondo ay kaagad ibibigay sa LGUs anumang oras.
Nilinaw naman ni Roque na maaaring isama bilang benepisyaryo ang mga hindi nakatanggap ng cash aid mula sa una o ikalawang tranch ng special amelioration program dahil nagkaroon ng kalituhan ang ibang LGUs sa kanilang listahan.
Binalaan naman ng tagapagsalita ang LGUs na siguruhin na ang tulong ay makakaabot sa mga benepisyaryo kung hindi ay kakasuhan sila tulad ng ginawa ng gobyerno sa una at ikalawang tranch ng pamamahagi ng SAP noong nakaraang taon.
- Latest