Walang PhilHealth number walang COVID-19 vaccine? Valid IDs tatanggapin, ani Galvez
MANILA, Philippines — Kahit walang identification number mula sa PhilHealth, pwede pa ring maturukan ng bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) ang mga nasa priority list ng gobyerno, pagtitiyak ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Ikinabahala kasi ng publiko ang statement ni PhilHealth president at CEO Dante Gierran ngayong Martes na dapat magpakita ng PhilHealth identification number (PIN) bago mabakunahan laban sa COVID-19.
"Pwede po nilang gamitin ang lahat ng mga pwedeng IDs po nila," ani Galvez sa press briefing ng Malacañang ngayong araw.
"Wala naman pong problema, for as long as magkaroon tayo ng tinatawag na pre-screening and also pre-listing, at least ma-validate po na taga doon po siya talaga. And then also 'yung office ID po pu-pwede po 'yon."
Ani Galvez, may gumugulong na pre-registration at application ngayon ang iba't ibang local government units (LGUs) para maisailalim ang mga babakunahan sa pre-screening.
Dagdag ng kalihim, mainam na makipag-ugnayan agad ang publiko sa kanilang LGU para na rin mapabilis ang proseso ng pagbabakuna.
Ayon sa huling ulat ng gobyerno as of March 29, 2021, umabot na sa 668,018 ang healthcare workers at priority sectors ang natuturukan ng bakuna laban sa COVID-19 mula sa 2,4976 vaccination sites.
Umabot na sa 731,894 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas ayon sa huling ulat nitong Lunes. Patay na ang nasa 13,186 diyan, ayon sa Department of Health (DOH).
Isyu ng PhilHealth Number
Kanina lang nang sabihin ni Gierran na lahat ng potential vaccine recipients ay dapat rehistrado sa PhilHealth at meron nang unique identifiers bago turukan. Isa na rito ang PhilHealth ID.
Aniya, ang basehan nila ay ang DOH Memorandum 2021-0099 na nagsasabing:
"All potential vaccine recipients shall be registered using their unique identifiers as identified during the masterlisting process such as but not limited to full name and birthday, PhilHealth Identification Number (PIN), system generated alphanumeric or QR or Unique Codes, or similar."
"For those who do not know their PIN or not yet registered with PhilHealth, they should coordinate with any PhilHealth office or call us so we can provide them their PIN or facilitate their registration," ani Gierran.
Maaaring mag-fill out at download ng PhilHealth member registration form (PMRF) dito.
Matapos sagutan, pwede itong ipadala kasama ang scanned copy o iba pang malinaw na kuha ng valid ID sa [email protected]. Dapat meron itong subject na Register
Ipadadala matapos nito ang PIN sa email address na nakasulat sa nasabing registration form.
- Latest