MANILA, Philippines — Dapat munang makipag-ugnayan ang mga barangay sa pulisya kung nais ng mga ito na magtayo ng checkpoint sa kanilang nasasakupan, sa panahon nang pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya, layunin nito na maiwasan nang maulit ang pagkakaroon ng magkakaibang pamantayan sa mga checkpoints.
Sinabi pa ni Malaya na sa kasalukuyan ay mayroon nang 728 na authorized barangay checkpoints sa loob ng NCR Plus bubble.
Sa pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan, nabatid na nagtayo na ang Philippine National Police ng kabuuang 1,106 checkpoints o “quarantine control points” na binabantayan ng 9,356 pulis.
Sa naturang bilang, 929 checkpoints ang nasa Metro Manila na may 7,876 pulis, 162 checkpoints sa Region 3 na may 982 pulis at 50 checkpoints sa Region 4A na may 491 pulis.
Ang ECQ sa NCR Plus ay iiral mula kahapon, Marso 29 hanggang Abril 4.