MANILA, Philippines — Ibinaba ang mas mahigpit na modified enhanced community quararantine (MECQ) para sa isang probinsya at lungsod sa Pilipinas ngayong Abril habang inaaral pa kung mananatili ang pinakamahigpit na lockdowns sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya sa gitna ng pananalasa ng coronavirus disease (COVID-19).
Inanunsyo ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes, kasabay ng record-high single-day COVID-19 case increase na naitala sa Pilipinas ngayong araw sa bilang na 10,016.
Basahin: Bagong hawa ng COVID-19 sa 'Pinas lagpas 10,000 na, pinakamataas sa iisang araw
Narito ang kasalukuyang estado ng community quarantine restrictions sa Pilipinas sa ngayon:
Enhanced Community Quarantine (pagdedesisyunan pa, pero epektibo hanggang ika-4 ng Abril, 2021)
-
National Capital Region
-
Rizal
-
Cavite
-
Bulacan
-
Laguna
MECQ
-
probinsya ng Quirino (ika-1 hanggang ika-15 ng Abril)
-
Lungsod ng Santiago, Isabela (ika-1 hanggang ika-30 ng Abril)
General Community Quarantine (ika-1 hanggang ika-30 ng Abril)
-
Cordillera Administrative Region
-
Cagayan
-
Isabela
-
Nueva Vizcaya
-
Batangas
-
Tacloban City
-
Iligan City
-
Davao City
-
Lanao del Sur
Mananatili naman sa pinakamaluwag na modified general community quarantine (MGCQ) ang mga nalalabing bahagi ng Pilipinas.
Basahin: What is modified, enhanced, general quarantine? Here's how to tell the difference
Kaugnay na balita: Philippines goes full circle as ECQ back in Metro Manila, 4 other areas
Sa ECQ areas, tuloy ang 6 p.m. to 5 a.m. na curfew, bawal ang mass gathering ng lampas 10 tao, bawal ang religious gatherings at tanging "essential travels" lang gaya ng pagbili ng pagkain, gamot at pagtratrabaho sa pinapayagang industry ang maaaring gawin kung lalabas ng bahay.
Bawal pa rin lumabas ng bahay ang mga menor de edad at 65-anyos pataas kung hindi kinakailangan. Kaiba ng naunang ECQ, papayagan ang pampublikong transportasyon ngunit limitado lamang.
Bagong 'SAP' tiniyak ng Malacañang
Siniguro naman ng gobyerno na makatatanggap ng pinansyal na tulong ang mga maaapektuhan pinakamahihigpit lockdown, lalo na ng mga hindi makakapagtrabaho dahil sa ECQ.
Narito ang listahan ng mga "low-income population na maaambunan ng 'supplementary amelioration program' batay sa mungkahi ni Budget Secretary Wendel Avisado:
- Metro Manila (11.2 milyon katao)
- Bulacan (3 milyong katao)
- Cavite (3.4 milyong katao)
- Laguna (2.7 milyong katao)
- Rizal (2.6 milyong katao)
Tinatayang nasa P1,000 kada tao, o hindi hihigit sa P4,000 kada pamilya, ang halaga ng ayudang ibibigay sa mga benepisyaryo sa NCR Plus area. Aabot sa P22.9 bilyon ang pondong kakailanganin dito.
Diretsong ilalabas sa mga local government units (LGUs) ang naturang pondo, at darating sa mga pamilya "in kind." Tiniyak naman ni Duterte na pipirmahan niya agad ang proposal ni Avisado oras na makauwi ng bahay.
Kanina lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na maaaring magbigay ng mahigit-kumulang P2,000 ang gobyerno sa ECQ areas pagsapit ng kalagitnaan ng Abril.
"They prefer to give in kind kasi iyong mga binigay na ayuda, napakarami po diyan ay napunta sa sugal, napunta sa bisyo, kaya mas gusto nila iyong mga nakakain na ng kanilang mga constituents," patuloy niya.
Sa huling taya ng Department of Health (DOH) ngayong araw, umabot na sa 731,894 ang tinatamaan ng COVID-19. Sa bilang na 'yan, 13,186 na ang mamatay. — James Relativo