Bed capacity sa malalaking ospital nasa ‘high risk’ level na - DOH
MANILA, Philippines — Nasa high risk level na ang bed capacity ng malalaking ospital sa Metro Manila, ayon sa Department of Health (DOH).
“In Level 3 hospitals, the occupancy rate for COVID beds and COVID isolation beds are already at 74% to 76%,”ani Health Undersecretary Leopoldo Vega.
Paliwanag niya, ang level 3 hospitals ay mga pagamutan na may malalaking kapasidad o medical centers.
Samantala, ang mga level 2 hospitals naman sa Metro Manila ay nasa moderate risk na.
Anang DOH, ang mga pagamutan ay itinuturing na nasa high risk na ng kanilang occupancy rate kung umabot ito ng 70% ngunit hindi higit sa 85%.
Habang ang mga nasa moderate risks ay kung nasa 60% ang occupancy rates ngunit hindi hihigit sa 70%.
Matatandaang pagtuntong ng Marso ay muling dumami ang bilang ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID.
Malaking bilang nito ay nasa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 46,969 kaso nito lamang nakalipas na dalawang linggo.
Batay sa datos mula sa COVID-19 tracker ng DOH, ang Metro Manila rin ang may pinakamataas na total COVID-19 cases na nasa 301,519 na.
- Latest