MANILA, Philippines — Isinusulong ng ilang mga senador na parusahan ang mga opisyal ng gobyerno na naunang magpabakuna kontra COVID-19 kaysa sa mga pribadong sektor at mga nasa priority list.
Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang mga opisyal ng gobyerno at ang isang aktor na naunang binakunahan laban sa virus ay dapat bigyan ng mabigat na parusa at kasuhan.
Iginiit ng senador na ang mga health workers ang dapat unahing bakunahan dahil sila ang direktang nakaharap at nakikipaglaban sa pandemic.
Sa Hulyo na ang dating ng bulto ng bakuna para sa publiko kaya dapat ang mga alkalde na nagpabakuna ay sa Hulyo na magpabakuna para makahikayat sa publiko.
Para naman kay Senate Minority leader Franklin Drilon, ang Department of Justice (DOJ) ang dapat magdetermina kung hindi nasusunod ang government’s prioritization plan.
Muli naman umapela si Senate Health and Demography chairman Bong Go sa local chief executives na mahigpit na sundin ang vaccine priority list ng gobyerno.
Dapat din umanong imbestigahan ng DILG at DOH ang mga kaso ng local officials na nagpabakuna kontra COVID.
Para naman kay Sen. Francis Tolentino, dapat din ikonsidera ang mayor na frontliners dahil sila ang kaharap ng mga tao habang lumalaban sa pandemic.