MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 8,773 bagong infection ng coronavirus disease ngayong Huwebes, kung kaya nasa 693,048 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 693,048
- nagpapagaling pa: 99,891, o 14.4% ng total infections
- bagong recover: 574, dahilan para maging 580,062 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 56, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 13,095
Anong bago ngayong araw?
- Ngayong araw inulat ang pinakamaraming bagong COVID-19 cases sa Pilipinas sa iisang araw lang sa bilang na 8,773. Nahigitan na nito ang all-time high na 8,019 nitong Lunes.
- Record-breaking din ang local active cases ngayong Huwebes, na halos nasa 100,000 pasyenteng nagpapagaling pa.
- Kanina lang nang kumpirmahin ng National Bureau of Investigation na hindi dumaan sa customs ang mga COVID-19 vaccines na iligal na itinurok sa mga kawani ng Presidential Security Group, kolumnistang si Mon Tulfo atbp. Nangyari din ito habang wala pang emergency use authorization ang Sinopharm vaccine na ginamit sa kanila.
- Kaugnay nito, sinabi kanina ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi pwedeng kasuhan si Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa iligal na pagtuturok ng Sinopharm ng PSG. Aniya, applicable lang daw ang "command responsibility" sa presidente "kapag may labanan."
- Bagama't binanatan ni Digong ang mga personalidad na "sumingit" sa priority list ng gobyerno sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccines, aminado si Roque na walang malinaw na batas na magpaparusa sa mga tinaguriang line jumpers. Sa ngayon kasi, tanging mga healthworkers at iba pang A1 priority ang pwedeng bigyan ng bakuna.
- Kinumpirma naman ng Palasyo na merong "quick substitution list" na ginagamit ngayon ang gobyerno para sa mga pwedeng bigyan ng bakuna kung hindi dumating ang healthcare worker na scheduled para sa COVID-19 immunization. Gayunpaman, sinasabi sa DOH Memorandum 2021-0099 na dapat ibigay sa "next priority group" ang bakuna bilang "last resort."
- Humihingi naman ngayon ng dagdag na mga healthworkers ang Lung Center of the Philippines at Philippine General Hospitals para i-augment ang kanilang workforce kasunod na rin ng biglang pagsipa ng COVID-19 patients sa kanilang lugar. We have requested at least 30 more nurses from the DOH since last week but it's not easy to get those manpower. I could imagine all hospitals are trying to get more manpower," ani LCP spokesperson Dr. Norberto Francisco kanina sa panayam ng ANC.
- Lumabas naman sa bagong pag-aaral ng OCTA Research Group kanina na numero uno ang Fort Bonifacio, Taguig sa lahat ng mga baranggay sa Pilipinas pagdating sa mga bagong COVID-19 infections magmula pa noong isang linggo, ika-18 ng Marso, 2021. Gayunpaman, bahagyang bumaba na ang "reproduction number" ng COVID-19 sa Metro Manila kasabay ng pagpapatupad ng NCR Plus bubble.
- Umaabot na sa halos 123.9 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, mahigit 2.72 milyon na ang patay.
— James Relativo