Duterte ipapatawag ang ambassador ng China sa isyu ng mga barko sa West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Balak kausapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ambassador ng China sa Pilipinas tungkol sa isyu ng mga barko ng China sa West Philippines Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tiwala ang Pangulo na mareresolba ang isyu.
Lahat anya ng bagay ay napag-uusapan naman ng mga magkakaibigan.
Hindi binanggit ni Roque kung kailan kakausapin ni Duterte ang ambassador ng China.
Napaulat na nasa 220 Chinese fishing vessels ang naispatan sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea noong Marso 7.
Sa kasalukuyan ay 138 militia vessels pa ang nananatili sa Julian Felipe Reef, batay sa isinagawang maritime patrol ng Philippine Air Force kamakalawa ng umaga.
Tiniyak naman ni AFP Chief of Staff Lt/ Gen. Cirilito Sobejana, na hindi nila hahayaang salakayin ng Chinese forces ang teritoryo ng bansa at mandato nilang protektahan ito.
Naghain na rin ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) at hiniling din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na umalis na sa lugar ang nasabing mga militia vessels dahil nasa loob na sila ng exclusive economic zone ng Pilipinas at nilalabag nito ang maritime rights ng bansa.
- Latest