MANILA, Philippines — Kakarampot pa lang ang dumarating na bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas kumpara sa mga kinokontratang gamot, pag-amin ng Department of Health (DOH) sa televised briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi.
"[S]umunod po tayo [sa health protocols]. Dahil, unang-una, hindi sapat ang bakuna. Kulang pa ho tayo. Wala pa pong isang porsyento ang dumating na bakuna," paglalahad ni Health Secretary Francisco Duque III ngayong nakukumpara ang pandemic response ng Pilipinas sa ibang bansa.
Tanging ang 600,000 Sinovac at 525,600 AstraZeneca doses pa lang ang nasa Pilipinas — pare-parehong donasyon ng Tsina at COVAX facility. Malayo pa ito sa 143 milyong nakatakdang dumating sa Pilipinas ngayong 2021.
Kahapon, 1.1 milyong bakuna pa lang ang nade-deploy sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, tanging 369,049 na healthcare workers pa lang ang natuturukan ng first dose , ayon sa ulat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. habang nag-uulat kay Digong.
Malayong-malayo pa ang bilang na mga ito sa halos 110 milyong populasyon ng Pilipinas.
Breakdown ng 369,049 HCWs na naturukan na:
- 27.71% pa lang ng HCWs
- 48.7% pa lang ng targeted first dose
- 32.79% pa lang ng total vaccines deployed
Binanatan naman ni Duterte sina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Risa Hontiveros dahil sa pagkwenstyon sa bagal ng pagdating ng mga bakuna sa kabila ng bilyun-bilyong pondong inaprubahan ng Konggreso at ipinautang ng international financial institutions.
Basahin: Bagong $900-M utang mula dayuhan ibubuhos sa COVID-19 jabs ng Pilipinas
"[B]uong akala kasi nila ‘yong pera na bilyon na bilyon na ibinigay nila... ‘yong Kongreso, nandiyan na sa kamay natin, that it’s cold cash, at ang anuhin, nasaan na ‘yong pera? Sinasabi na natin time and again that the money is with the lending banks," ani Duterte.
"So we have not used any single centavo of it because as a matter of fact, about the vaccines that we are going to buy."
Tila ikinapikon naman ni Lacson ang mga patutsada ni Duterte, lalo na't tinatanong lang naman kung nasaan na ang mga bakuna.
Simple question: “NASAAN KA BAKUNA?”
Twisted answer: “DADATING NA YUNG BABAYARAN NATIN NA MGA BAKUNA, DOON PA SILA DAPAT MAGTANONG KUNG NASAAN NA YUNG PERA.”
Bakit defensive?— PING LACSON (@iampinglacson) March 22, 2021
So... kailan darating ang mga bakuna this 2021?
Sa report kagabi, lumalabas na malayong-malayo ang 1,105,500 deployed vaccines sa mga bakunang nakatakdang dumating sa Pilipinas ngayong taon.
Narito ang mga petsa (sa ngayon) ng mga bakunang dumating at paparating pa lang:
First quarter (3.5 milyon)
- mahigit 1.1 Sinovac at AstraZeneca vaccines (dumating na)
- 400,000 Sinovac (ika-24 ng Marso)
- 979,200 AstraZeneca (ika-24 hanggang ika-26 ng Marso)
- 1 milyong Sinovac (ika-29 ng Marso)
- halos 2.4 milyon (hindi pa dumarating)
Second quarter (halos 26 milyon)
Abril
- 1.5 milyon hanggang 2 milyong Sinovac
- 3 milyong Gamaleya
- 1 milyon mula sa COVAX
Mayo
- 2 milyong Sinovac
- 3 milyong Gamaleya
- 2.6 milyong AstraZeneca
- 1 milyon mula sa COVAX
- 194,000 mula Moderna
Hunyo
- 4.5 milyong Sinovac
- 4 milyong Gamaleya
- 1 milyong Novavax
- 2 milyong AstraZeneca
Third Quarter (53 milyon)
Hulyo
- 3 milyong Sinovac
- 4 milyong Gamaleya
- 1 milyong Moderna
- 2 milyong Novavax
- 1.5 milyong J&J
- 2 milyong AstraZeneca
Agosto
- 20 milyong doses
Setyembre
- 20 milyong doses
Fourth Quarter (60 milyon)
Oktubre
- 20 milyong doses
Nobyembre
- 20 milyong doses
Disyembre
- 20 milyong doses
Halos 143 milyong doses ito lahat-lahat, malayo sa 1.1 milyon na meron ngayon sa Pilipinas.
Philippine vaccination vs ibang bansa
Pero gaano kabilis magturok ng bakuna ang Pilipinas kumpara sa iba pa sa Asya?
Ayon kay Galvez, mahigit 370,000 pa lang ang nababakunahang healthcare workers ng COVID-19 vaccines.
- Malayo ito kumpara sa mga kalapit na bansa: India (2 milyong binabakunahan araw-araw) at Indonesia (340,000 doses kada araw)
Matatandaang Pilipinas ang huling bansa sa buong ASEAN Region na nakakuha ng COVID-19 vaccines.
Sa darating na Abril hanggang Mayo, tinatarget ng Pilipinas na makapagbakuna ng 500,000 hanggang 1 milyong katao araw-araw. Nais 'yang itaas sa hanggang 2 milyon kada linggo.