25% na bawas sa COVID-19 cases target gamit ang 'NCR Plus bubble' restriction

Nag-iinspeksyon ang kawani ng PNP sa hangganan ng Calumpit, Bulacan at Pampanga, ika-22 ng Marso, habang nagpapatupad ng "NCR Plus Bubble" ang gobyerno sa Metro Manila at mga kalapit na general community quarantine areas gaya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nag-aasam nang malaki-laking tapyas sa bilang ng COVID-19 cases ang Malacañang sa ipinatutupad nitong paghihigpit sa "NCR Plus bubble," bagay na gumugulong na ngayong araw dahil sa historic highs na naabot sa infection nitong mga nagdaang araw.

'Yan ang ibinahagi ni presidential spokesperson Harry Roque matapos matanong ngayong Lunes kung ano ba talaga ang end goal ng pagbabawal sa paglabas-masok sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal kung walang gagawing essential travels.

Basahin: Palace: Non-essential travel suspended in and out of Metro Manila, nearby provinces

"Doon po sa briefing ng DOH, ang target natin minimum 25% [case] reduction, but we are hoping for more," ani Roque kanina sa isang briefing.

"Bagama't hindi po kayo pinagbabawalan na lumabas ng inyong mga tahanan sa NCR Plus bubble, sana po kung hindi naman kailangang lumabas eh manatili na lang po sa ating tahanan kasi ang nais namin ay mas malaki pa sa 25% po ang mabawas sa mga kaso."

  • Gaano kalaking bawas 'yan?: Ayon kay Roque, malaki-laking bawas na ang 25% sa COVID-19 cases. Halimbawa, kung iaawas ang tantos sa 7,999 — na highest single-day increase sa kasaysayan ng Pilipinas, halos 2,000 bawas din iyon sa isang araw.

Tatagal ang nasabing paghihigpit mula ngayong araw hanggang ika-4 ng Abril, 2021. Nangyayari ito ngayong nakapasok na ang dalawang nakahahawang COVID-19 variants sa lahat ng lungsod at bayan sa Metro Manila, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Realistic goal ba ang 25% reduction?

"Ang tingin po natin, it is a realistic goal for the next two weeks. Remember, two weeks lang po ito and we hope to sustain the gains afterwards," dagdag pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

"Without forcing anyone to stay indoors, we are requesting everyone na, traditionally naman talaga. 'yung mga unang panahon, walang lumalabas kapag panahon ng Kwaresma."

Bukod sa movement restrictions, bawal na uli ang mass gatherings kasama ang mga religious services. Papayagan ang mga binyag, kasal at funeral services ngunit hanggang 10 katao lang ang pwede.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 633,794 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Linggo. Sa bilang na 'yan, 12,968 na ang patay.

PNP: Turismo sa NCR Plus 'pwede naman'

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hindi naman daw basta-basta mang-aaresto ngayong ipinatutupad ang NCR Plus bubble. Kung tutuuin, kakaonti na nga lang daw ang mga unauthorized persons na lumalabas ng bahay.

"Particularly Metro Manila, wala nang restriction actually ang ating movement. Lalo na ngayon na in-expand pa natin siya sa NCR Plus kung saan hindi na tayo dapat nagche-check sa boundary ng NCR. Hinahayaan na natin at 'yun ay ipinapaubaya natin ngayon doon sa ouer perimeter para siguraduhin na walang lalabas at walang papasok na mga unauthorized within an outside the bubble area," ani Eleazar.

Dagdag pa niya, kung nasa Metro Manila ka, pwede din naman ang tourist activities kung pupunta lamang ng Tagaytay. Ang Tagaytay City ay isang component city ng Cavite.

Kaugnay na balita: Baguio to ban visitors from NCR, nearby provinces

"Kung ikaw ay nasa Manila, pupunta ka sa Boracay, iyon ang magiging problema natin... Within the bubble, hindi natin niri-restrict ang travel ng ating mga kababayan," dagdag niya.

Show comments