‘Hard GCQ’ sa Metro Manila inirekomenda ng OCTA
MANILA, Philippines — Isinusulong ng OCTA Research Team sa pamahalaan na magpatupad ng Hard GCQ o mas mahigpit na General Community Quarantine upang mabawasan ang hawaan ng coronavirus sa NCR.
Ang panukalang ito ay ginawa ng naturang grupo matapos sumipa sa mahigit 5,000 ang panibagong kaso ng Covid-19 sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon kay Prof. Rye Rejit ng OCTA Research Group, dapat umanong bawasan ang maraming galaw sa NCR para maibaba ang bilang ng mga tinatamaan ng Covid-19.
Kabilang sa nais pa limitahan ng OCTA Research ay ang dine-in sa mga restaurant at gawing take out muna ang transaksyon sa mga establisimiyentong ito.
Bigyan ng quarantine pass ang mga manggagawa sa pagpasok sa kanilang mga trabaho, ipagbawal ang mga social gathering at panatilihin ang mass transport.
Ngunit kung sakaling hindi pa rin maibaba ang tinatamaan ng virus sa loob ng isa hanggang dalawang linggo ay kailangang itaas sa Soft MECQ o modified community quarantine ang Metro Manila.
Kabilang sa nais ipagbawal sa soft MECQ ay ang social gathering, limitadong kapasidad ng mga mall at grocery, limitadong workforce sa mga tanggapan ng gobyerno ngunit papayagan pa rin ang mass transportation.
- Latest