MANILA, Philippines — Kung pagbabasehan ang COVID-19 infections ngayon (adjusted sa date ng onset), bumabalik na ang Pilipinas sa singtaas na antas gaya ng mga hawaang naitala noong Hunyo 2020 — pagbabahagi ng Department of Health sa media ngayong Miyerkules.
Marami sa mga clustered infections sa ngayon ay naoobserbahang nangyayari sa loob ng mga bahay o 'di kaya'y sa mga lugar ng trabaho.
"Kung gaano karami yung nagiging pinakamataas na nagkakasakit ng July, now it’s the same peak," ani Alethea de Guzman, OIC Director III ng DOH Epidemiology Bureau sa isang briefing kanina.
"We are reporting 2.5x higher new cases this March verses start of January; increasing % of workplace clusters," dagdag ng kanyang report.
Ito ang nakikitang trend sa ngayon ng Kagawan ng Kalusugan kung titignan ang mga bagong datos as of March 16, 2021, kung saan umabot na sa lagpas 631,000 ang nahahawaan.
Pabalik sa August 2020 highs?
Natataon ito ngayong steady sa mahigit 4,500 hanggang lagpas 5,000 arawang kaso ang naitatala mula Biyernes hanggang kahapon:
- ika-12 ng Marso (4,578)
- ika-13 ng Marso (5,000)
- ika-14 ng Marso (4,899)
- ika-15 ng Marso (5,404)
- ika-16 ng Marso (4,437)
Papalapit na ang mga bilang ngayong linggo sa all-time single-day peak na 6,958 cases noong ika-10 ng Agosto, 2020. Ang new cases nitong Lunes ang ika-4 ng pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas.
"It's a possibility na [na bumalik sa all-time high ng Agosto]. If we don't [follow] actions that we are recommending, are not urgently... done, it is a possibility," dagdag ni Guzman.
"As much as possible, ayaw namin. Kaya lang, it depends on all of us talaga."
Natataon ang mga panibagong mga pagsipa sa patuloy na pagkaka-detect ng mga mas nakahahawang B.1.1.7 at B.1.351 COVID-19 variants. Ang B.1.1.7, na diskubre sa United Kingdom, ay matatagpuan na sa limang rehiyon sa Pilipinas. Ang B.1.351, na unang nakita sa South Africa, ay meron na sa tatlong rehiyon — karamihan sa National Capital Region.
Nasa 13 cities na ang merong COVID-19 variants of concern na ito. Sa bilang na 'yan, 74 (27%) ay galing sa mga international travelers.
Variant driven na ba talaga?
Sa kabila ng pagdami ng bilang ng mga mas nakahahawang variants sa bansa, ayaw pa namang diretsahin ng DOH kung ito ba talaga ang driving force sa panibagong bugso ng high cases.
"Oo nakakacontribute talaga yung variants of concern sa mabilis na pagtaas ng kaso natin... [Kaso] kahit wala tayong nakikita pang variant of concern sa maraming lugar sa Pilipinas talagang may pagtaas ng kaso dito," dagdag ni De Guzman.
Aniya, pwedeng tignan ding factory ang increased mobility ng mga Pilipino sa ngayon at hindi pagsunod sa minimum public health standards: "Highest mobility [was tallied] over the holidays. [It declined] immediately after but now on upward trend," dagdag ng kanyang report na ibinase sa Google COVID-19 Commuunity Mobility Trends.
Una nang sinabi ng OCTA Research Group na posibleng umabot sa 11,000 ang daily COVID-19 cases ng Pilipinas bago matapos ang Marso. Hindi rin daw imposible na pumalo ito ng 20,000 sa kalagitnaan ng Abril.