^

Bansa

PSN sa makabagong hamon ng pandemic

Pilipino Star Ngayon
PSN sa makabagong hamon ng pandemic
Hindi na mabilang ang mga accomplishments ng Pilipino Star Ngayon sa loob ng 35 years na ipinagdiriwang ngayon.
Photo Release

MANILA, Philippines — Hindi na mabilang ang mga accomplishments ng Pilipino Star Ngayon sa loob ng 35 years na ipinagdiriwang ngayon.

Bilang laking batang PSN ako, nakita ko ang pagbabago ng diyaryo mula sa manu-manong paggawa ng tradisyonal na newspaper.

Palibhasa ay kapwa empleyado noon ang mga magulang ko ng iprentang ito, kaya nasanay na rin ako sa amoy ng papel ng diyaryo sa pinto pa lang ng opisina.

Proud pa ako kasi ang designation ng nanay at tatay ko dati ay “camera woman at camera man.”

Wow, so ang nasa isip ko, may hawak silang kamera na kumukuha ng mga pictures sa kaganapan ng mga balita.

Pagmukat mo, nang una akong dumayo sa opisina ng Ang Pilipino Ngayon pa noon, may hawak ngang kamera si nanay.

Huwag ka, kamera pala iyon ng pahina nang buong diyaryo.

As in, higanteng kamera na pagkalaki-laki na siguro ay 6 ft ang taas at napakalapad. Nakalagay ang camera sa darkroom kung saan manu-manong pini-print ang mga pictures na kinukunan ng mga photographers at pati na rin ang final lay-out ng PSN. Saka ilalagay sa plate ang mga pahina at patatakbuhin sa rolyo ng makina na lalabas ang final output ng diyaryo.

Namalas ko rin ang manu-manong layout ng PSN bilang 24 years na akong empleyado sa kompanya.

As in, ita-type ang mga articles at saka ipi-paste sa malaking papel. Lahat manu-manong detalyeng ginagawa ang diyaryo mula page 1 hanggang sa likod na sports events na pahina. Kapag may correction mas mahirap pa noon, kasi magbabakbak mula sa paste out.

Sa malas pa, pati makina ay ibaba ang rolyo saka uli magpapatama ng kulay o magsasampa uli ng bagong plate. Unti-unti naging hi-tech ang PSN, mula sa mga mamahaling Mac computers gamit ng mga lay out artists para sa Adobe In Design CS4, pati Computer to Plate o CTP, sunud-sunod din ang mga modernong equipments mula sa mga high end na gamit na camera at lente ng mga photographers.

Hanggang pati makina ng diyaryo ay sumabay rin sa pagiging innovative print media at siyempre sa digital na platform para online news, entertainment stories, at mga events ng PSN.

Kaya kahit nanalasa ang pandemic at naging online ang labanan, mabuti na lang ay naihanda na ang opisina sa virtually na bakbakan upang makasabay sa pagbabago ng mundo sa loob at labas ng bansa.

Ngunit ang ambisyon at vision ng publication, mga journalists, at empleyado sa pamumuno ni Boss Miguel Go-Belmonte ay nanatili pa ring patas sa pagpapahayag ng mga makatotoong kaganapan ng istorya bilang mission ng PSN kahit sa matinding hamon ng pandemic ngayon.

Bilang patuloy na magiging boses at mata ang PSN ng masang Pinoy sa gitna man ng COVID-19. - NI LANIE B. MATE

PSN patuloy na namamayagpag

Itong pandemya ang tila bagong pagsubok na dumaan sa buhay ng pahayagang Pilipino Star Ngayon.

Sa nagdaang 35 taon, patuloy pa rin ang kanyang operasyon at pagseserbisyo sa mga mambabasa at sa buong mamamayang Pilipino sa loob man o labas ng Pilipinas. Ito ay kahit may bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, kudeta, People Power 2, pagpapalit ng presidente, krisis sa ekonomiya  at ngayon nga ay ang pandemya ng coronavirus disease 2019 na puminsala sa maraming buhay at kabuhayan sa buong mundo.

Gayunman, ang pakikisabay ng PSNgayon sa makabagong teknolohiya ay masasabing nakatulong para maigpawan ang mga nabanggit na pagsubok. Bukod sa pagkakaroon ng sarili nitong website sa pamamagitan ng www.philstar.com, kasama ng iba nitong mga kapatid na pahayagan tulad ng Pang-Masa, Philippine Star, Freeman, Banat at Interaksyon, nagagamit ng pahayagang ang mga makabagong sistema o kagamitan sa komunikasyon para patuloy na makapaghatid ng balita at ibang impormasyon sa mga mambabasa.

Hindi naging hadlang ang social distance, face mask, face shield at iba pang mga health protocol kaugnay ng virus para makakuha ng mga bagong balita at maihatid ito nang walang patid sa mamamayan.

Sa tulong ng internet at smartphone, laptop at tablet at iba pang makabagong gadget, nagagawa pa rin ng mga reporter na magkober sa kani-kanilang beat, kumapanayam ng mga opisyal ng pamahalaan, at iba pa, para makakuha ng mga updated na balita sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. 

May mga press conference na ginagawa sa tulong ng Zoom halimbawa o Facebook o iba pang means ng komunikasyon.

Halos hindi na kailangan ng reporter na lumabas ng bahay para magtrabaho. Lalabas na lang sila kung kinakailangan para sa pagkuha ng mga pinakasariwang balita.  Hindi na rin nila kailangang pumunta sa opisina ng PSNgayon para magawa at maipadala ang kanilang mga istorya.  Ipinapadala na lang nila ang mga ito sa pamamagitan ng email o kaya sa social media o kaya ay sa text sa tulong ng smartphone.

Maging ang mga editor ay sa bahay na lang din ginagawa ang kanilang trabaho. Ito ay may pahintulot ng pangasiwaan ng PSNgayon, para na rin sa kanilang kaligtasan.

Pupunta na lang sila sa opisina kung kailangang-kailangan. Naging mabisa ang work from home sa patuloy nilang pagseserbisyo sa mga mambabasa ng pahayagang ito. Nag-uusap na lang ang mga reporter at editor sa pamamagitan ng cellphone o kaya sa Messenger sa Facebook at ibang social media o kaya sa SMS.

Pagkatapos ng editing ng mga istorya  at layouting, ipapadala na lang ng editor ang natapos nilang trabaho sa mga layouter sa opisina sa pamamagitan ng email o Facebook. Dito na rin sila nag-uusap ukol sa mga bagay na kailangan sa pagsasara ng mga pahina.

Maaaring may konting pagbabago sa mga pahina ng PSNgayon dahil sa mga problemang idinulot ng COVID-19 pero nariyan pa rin ang mga seksyon ng Bansa, Metro, Probinsya, Opinion, Showbiz, Libangan at Sports na nagsisilbing iba’t ibang klaseng putahe na umaangkop sa panlasa ng mga mambabasa. 

Kaya nga walang binatbat ang virus na ito. Patuloy sa pamamayagpag ang PSNgayon kahit pa matapos ang pandemya. - NI RAMON M. BERNARDO 

Philippine sports sinagupa ang COVID-19 pandemic

Isang matinding kalaban ang nakaharap ng Philippine sports sa taong 2020.

Matapos ang unang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas noong Enero 30 ng 2020 ay ipinatupad ng Malacanang ang partial lockdown sa Metro Manila noong Marso 15.

Dahil dito ay natigil ang pagdaraos ng mga collegiate, amateur at professional sports tournaments at activities sa buong bansa.

Binuksan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang kanilang Philippine Cup noong Marso 8, ngunit matapos ang tatlong araw ay inihayag ng liga ang pagpapatigil sa season-opening tournament pati na
ang PBA D-League Aspirants' Cup at ang paglulunsad ng PBA 3x3 league dahil sa mga quarantine restrictions.

Kasunod naman nito ang pagkakatigil rin ng mga laro sa National Basketball Association (NBA) makaraang magpositibo si Utah Jazz center Rudy Gobert sa COVID-19.

Noong Oktubre 11 ay muling binuksan ang Philippine Cup sa loob ng 'bubble' sa Clark, Pampanga kung saan tinalo ng Barangay Ginebra ang TNT Tropang Giga, 4-1, sa kanilang best-of-seven championship series.

Bukod sa PBA ay pinayagan rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik-aksyon ng Philippines Football League (PFL) at Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 sa loob ng 'bubble.’

Huli namang lumaban si Manny Pacquiao noong Hulyo ng 2019 kung saan niya tinalo si American Keith Thurman via split decision at hanggang ngayon ay hindi pa nakakatapak ng boxing ring.

Nahinto rin ang mga aksyon sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) dahil sa pandemya.

Noong  Abril 2 ay inihayag ni PSC chairman William 'Butch' Ramirez ang pagkakansela sa kanilang mga sporting events katulad ng Palarong Pambansa, Philippine National Games at Batang Pinoy at ang pagdaraos ng ASEAN Para Games.

Ginawa namang quarantine facilities ang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila City, PhilSports Complex sa Pasig City at New Clark City Sports Complex sa Capas.

Pinayagan ng IATF ang mga national teams na gumamit ng 'bubble' training concept para paghandaan ang SEA Games, idaraos sa Vietnam sa Nobyembre, na pinagharian ng Team Philippines noong Disyembre ng 2019.

Ilang national athletes rin ang na-stranded sa mga bansang pinuntahan nila para sa sa kanilang training kagaya nina 2016 Rio de Janeiro Olympic Games silver medalist ng weightlifting sa Kuala Lumpur, Malaysia, Olympic-bound pole vaulter Ernest John Obiena sa Italy at gymnast Carlos Edrel Yulo sa Japan.

Noong Disyembre 10 ay inihayag ni dating four-division titlist Nonito 'The Flash' Donaire, Jr. na nagpositibo siya sa COVID-19 na nagresulta sa pag-atras niya sa title fight sana nila ni Puerto Rican Emmanuel Rodriguez para sa World Boxing Council (WBC) bantamweight belt sa Connecticut, USA.

Sa gitna ng pandemya ay nagbigay pa rin ng panalo para sa Pilipinas sina Obiena, Diaz, skater Margielyn Didal, Pinay tennis sensation Alex Eala, Olympic-bound boxer Eumir Felix Marcial at pro boxer Reymart
Gaballo. - NI RUSSELL CADAYONA

PSN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with