MANILA, Philippines — Hindi pa maimumungkahi ng Department of Health ang pagpapatupad ng mahihigpit na lockdown sa Kamaynilaan sa ngayon, pero hindi nila isasantabi ang posibilidad kung magpapatuloy pa rin sa paglala ang pagkalat ng coronavirus disease sa gitna ng mga localized restrictions.
'Yan ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa panayam ng ANC, Miyerkules, ngayong 23,518 ang new COVID-19 cases ng National Capital Region sa nakaraang 14 araw — ang pinakamalaki sa buong Pilipinas.
Nitong Martes lang, 2,231 ang bagong kaso ng COVID-19 na pumasok sa Metro Manila. Sa bilang na 'yan, 28,144 pa ang nagpapagaling sa punong rehiyon.
"As of now, I don’t because the localized lockdowns are starting to yield positive outcomes... [I]f nothing changes and the cases continue to rise, then the possibility of a more widespread lockdown is certainly strong," wika ni Duque kanina.
"Everything is possible, but we have to calibrate our response depending on the data that come in with the recommendation of our technical advisory group and our epidemiologist of the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID)... If they say that we need to have a more widespread lockdown, then we will recommend to the president."
Balik-ECQ ba o hindi?
Kahapon lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi kailangang bumalik sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) lalo na't may localized lockdowns naman. Hindi rin daw overwehlmed ang mga ospital sa ngayon.
Roque: Sa mga nagsasabi na kinakailangan ng lockdowns, ang katotohanan, meron tayong granular, localized lockdowns... Sa ngayon wala namang kadahilanan para magdeclare ng ECQ...Di pa po overwhelmed ang ating hospitals @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) March 16, 2021
Kasabay ng mga granular lockdown na ipinatutupad sa ilang lugar sa Maynila at Quezon City, matatandaang sinimulan ang 10 p.m. hanggang 5 a.m. curfew sa buong NCR nitong Lunes. Magtatagal ito hanggang ika-31 ng Marso.
Umabot na sa 631,320 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas sa ngayon, kung saan 12,848 ang pumanaw na. Ayaw pa namang iugnay ng Malacañang sa pagbubukas ng ekonomiya ang pagsirit ng mga kaso, kundi sa mga hindi raw sumusunod sa minimum health standards.
Border controls pinahigpit
Kaugnay ng pagdami ng COVID-19 cases sa Pilipinas, pansamantala munang sinususpindi ng National Task Force against COVID-19 ang lahat ng biyahe ng mga mga banyaga at papauwing Pilipino na hindi OFW.
"[This is effective] beggining... 20th of March 2021 until 19th of April 2021," sabi ng NTF.
- Exempted sa kautusang 'yan ang mga:
- holder ng 9(e) visas
- medical repatriation at kanilang mga escord na inendroso ng Department of Foreign Affairs-Office ng Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) o Overseas Workers Welfare Administration
- Distrssed returning overseas Filipinos na inendorso ng DFA-OUMWA
- emergency, humanitarian at iba pang analogous cases na inaprubahan ng NTF COVID-19
Due to the increasing number of new cases of COVID-19 here in the Philippines, the National Task Force against COVID-19...
Posted by Department of Health (Philippines) on Tuesday, March 16, 2021
Maliban diyan, lilimitahan sa 1,500 pasahero kada araw ang mga international inbound arrivals as Ninoy Aquino International Airport simula ika-18 ng Marso hanggang ika-18 ng Abril.