MANILA, Philippines — Ngayong nagdiriwang ng ika-35 taong anibersaryo ng Pilipino Star NGAYON ay kasabay rin ang pagbibigay pugay sa mga magagandang alaala at legacy ni Mrs. Betty Go-Belmonte.
Si Billie Mary “Betty” Velasco Go-Belmonte, ang siyang nagtatag ng STAR Group of Publications na isa nga rito ang Ang Pilipino NGAYON (APN) na ngayon ay Pilipino Star NGAYON (PSN).
Si Ma’am Betty ay batikang philantropist, journalist, columnist, at publisher ng kanyang kapanahunan. Panganay na anak si Ma’am Betty ng ama nitong si Go Puan Seng, ang founder ng Filipino-Chinese newspaper na The Fookien Times na isa sa pinakamalaking diyaryo sa bansa noon. Sa edad na walong taon ay napilitan sila ng kanyang pamilya na tumakas at magtago sa paanan ng Sierra Madre malapit sa Ipo Dam sa pagsugod ng Japanese forces sa bansa sa kasagsagan noon ng World War II kung saan nakaranas sila ng hirap.
Pagkatapos ng giyera ay nag-aral si Ma’am Betty ng elementary sa Kamuning Public School at Hope Christian High School, at nung high school ay sa Philippine Christian College at University of the Philippines High School. Sa kolehiyo ay nakapagtapos naman si Ma’am Betty sa UP ng English degree. Pagkatapos ng college ay nagkamit din si Ma’am Betty ng master’s degree sa English at American literature sa Claremont Graduate School. Noon pa man ay nakitaan na si Ma’am Betty ng kanyang ama ng angking talento nito sa pagsusulat at bilang tagapagmana sa pamamalakad ng kanilang diyaryo na mas lalo ring nahasa ang kanyang dedikasyon, sense of commitment, at ethics sa larangan ng pamamahayag. Naging empleyado si Ma’am Betty ng kompanya ng kanilang pamilya na naging assistant to the editor na mismong nagsusulat at nagpo-proofread ng mga articles hanggang mahubog lalo ang kakayahan nito bilang manager at publisher ng diyaryo.
Hindi rin malilimutan ang katapangan ni Mrs. Betty Go-Belmonte sa paglaban sa rehime ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Isa si Mrs. Betty ang nakibaka at nagsuot ng kulay na dilaw na naging simbolo ng katapangan sa masang Pinoy noon na siyang naging banner na color din ng PSN na hinaluan ng kulay asul bilang representasyon naman ng kapayapaan.
Ngayong ika-35 anibersaryo ng PSN ay patuloy na winawagayway ang dilaw at asul na kulay ng kompanya na simbolo ng katangiang ipinamalas ni Ma’am Betty. Hindi lamang mensahe ng katapangan at kapayapaan ang pamanang iniwan ni Ma’am Betty; kundi maging ang pagkakaroon nang mapagkumbabang-loob, pagmamahal sa bayan, at maka-Diyos.
Salamat din sa malalim na debosyon ni Ma’am Betty bilang matibay na kristiano na nagsimula ng Bible study at pagbahagi ng gospel sa mga empleyado ng kompanya. Ang katapatan din ni Ma’am Betty sa Panginoon mula noon ang isa rin sa dahilan kung kaya umabot pa rin sa 35 years ang (Star Group of Publications) na PhilSTARmedia na ngayon sa gitna ng COVID-19. Dahil ang pabor at biyayang nakamit na tagumpay ni Ma’am Betty mula sa Panginon noon ay siyang inaani pa rin hanggang ngayon ng PSN sa kabila ng pananalasa ng pandemia.
Kaya pandemic man ngayon, ngunit nananatili pa rin ang impluwensiya at mithiin ni Ma’am Betty Go-Belmonte para sa bawat empleyado at pamilya ng PSN sa pangunguna ni Boss Miguel Go-Belmonte. Si Pres. Miguel Go-Belmonte (sampu ng pamilya nito), ang isa sa anak ni Ma’am Betty ang siyang nagpapatuloy sa legacy sa pagbibigay serbisyo at adbokasiya nito sa pamamahayag para sa buong sambayanang Pilipino.
Kailanman ay hindi bibitaw sa adhikain, prinsipyo, at pagmamahal para sa bayan at sa Diyos na sinimulan ni Ma’am Betty; ang diyaryong disente para sa masang intelihente sa pamamahayag ng PSN na nagpapasalamat sa Panginoon, sa mga dealers, advertisers, at readers sa loob ng trenta’y singkong taon ngayon.