MANILA, Philippines — Nakapagtala ng dadag na 5,404 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Lunes ang Department of Health (DOH), kung kaya't napatalon na sa 626,893 ang nahahawaan nito ngayon sa Pilipinas.
Batay sa mga sariwang datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga numero para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 626,893
- Nagpapagaling pa: 53,479, o 8.5% ng total infections
- Kare-recover lang: 71, dahilan para maging 560,577 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 87, na siyang nag-aakyat sa local death toll sa 12,837
Anong bago ngayong araw?
- Ngayong araw ang pinakamataas na single-day reported COVID-19 increase sa Pilipinas sa nakaraang lagpas pitong buwan. Huling beses na mas mataas diyan ang arawang kaso noong ika-14 ng Agosto, 2020 kung saan 6,216 ang nahawaan.
- Magtatalaga ng halos 10,000 kapulisan sa Metro Manila simula mamayang 10 p.m. hanggang 5 a.m. kaugnay ng ipatutupad na region-wide curfew laban sa lalong pagkalat ng COVID-19 cases. Magtatagal ito hanggang ika-31 ng Marso.
- Kaugnay ng balita sa itaas, inilinaw ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, officer-in-charge ng PNP, na hindi agad aarestuhin ang mga lalabag sa COVID-19 curfews. Aniya, depende sa ordinansa, posibleng sa third violation pa ikulong ang mga lalabag.
- Kinumpirma naman ng DOH kanina na umabot na sa 193,492 doses ng COVID-19 vaccines ang naituturok sa mga healthcare workers, sundalo at senior citizens sa unang 13 araw ng immunization efforts laban sa virus. "And 90% of our stocks have already been distributed to the vaccination sites," paliwanag ni Beverly Ho, direktor ng Health Promotion Bureau and Disease Prevention and Control Bureau sa isang briefing.
- Dahil sa mga bagong spikes ng COVID-19 cases, sinabi naman kanina ni Althea de Guzman, epidemiology bureau chief ng DOH, na dapat uling magsuot ng face masks ang mga Pilipino kahit na nasa loob lang ng bahay.
- Kanina lang nang kumpirmahin ni presidential spokesperson Harry Roque na tinamaan siya ng COVID-19. Gayunpaman, asymptomatic daw siya at hindi naman daw nalapitan si Pangulong Rodrigo Duterte.
- Sabi ng Palasyo, kahit malabong bumalik sa pinakamahigpit na lockdown ngayong Marso, hindi nila matitiyak ang mangyayari para sa Abril.
- Ayon pa kay Roque, "excellent" ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya ngunit nagbago ang lahat noong sumapit na ang Marso 2021, na tanda rin ng anibersaryo ng unang community quarantine sa Metro Manila.
- Pumalo na sa 119.22 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 2.64 milyon na ang binabawian ng buhay.