MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ng region-wide curfew para sa Metro Manila ngayong gabi, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi agad mang-aaresto ang mga alagad ng batas sa mga mahuhuling lalabag sa mga bagong paghihigpit kasabay ng papataas ng coronavirus disease (COVID-19) cases.
Pormal kasing sisimulan mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. ngayong Lunes hanggang ika-31 ng Marso ang mga movement restrictions sa National Capital Region (NCR).
Aabot sa 9,634 pulis ang ikakalat sa buong Kamaynilaan maliban pa sa 373 checkpoints na itatalaga ng gobyerno.
Basahin: Here's a briefer on the uniform Metro Manila curfew
Sita tapos multa... saka pa lang kulong
"Basically itong gagawin natin ngayon, sisitahin. At kung merong violation, simple violation, alam niyo, pwede namang i-caution pa rin 'yan eh," ani Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar kanina sa isang briefing.
"But on the existing ordinances kasi natin, una, mas maganda, pagmultahin mo muna... Hindi mo ikukulong, pero pagmultahin mo."
Kasalukuyang umuupo bilang officer-in-charge ng PNP si Eleazar habang positibo sa COVID-19 si PNP chief Gen. Debold Sinas. Umabot sa 140,000 ang inaresto ng PNP para sa "disobedience" noong huli silang idineploy para ipatupad ang quarantine rules.
"Maaaring 'yung pangalawa[ng violation], depende pa rin sa ordinansa [ng local government], community service at pangatlo, 'yun na 'yung pagkakulong," dagdag ng top PNP official. "Maximum tolerance" daw ang ipatutupad mamaya ng habang nirerespeto ng law enforcement ang human rights ng Metro Manila residents.
Kaugnay na balita: PNP: No physical punishment for curfew violators
'Matyagan abusadong pulis'
Binatikos naman ng mga militanteng mangingisda mula PAMALAKAYA ang tila "2020 all over again" na mga alituntunin sa punong rehiyon, habang idinidiing hindi dapat pagkatiwalaan ang PNP sa public emergency situations.
"The PNP has no business in curbing the pandemic. They are neither public health experts nor medical practitioners to begin with. By doing a military, instead of medical approach on a health crisis, the Duterte government is repeating the same old mistake again," ani Fernando Hicap, national spokesperson ng PAMALAKAYA.
"This is a public service announcement to inform everyone to know their rights. They must exert extra caution when going outside, not only with the virus, but with abusive authorities most of all."
Pilipinas ang may pinakamatagal na lockdowns at striktong community quarantine sa daigdig. Gayunpaman, sumisipa uli ang fresh COVID-19 cases sa iisang araw lang nitong Linggo: nasa 4,899 kahapon lang. Dahil diyan, "epic fail" daw ang pandemic response ng Pilipinas, ani Hicap.
Diin naman ni Eleazar, "hindi kaaway ang pulis" ngayon kundi ang virus, na dumapo na sa 621,498 katao at pumatay sa 12,829.
Paalala pa niya sa PNP, "mali at hindi na dapat ulitin" ang mga pisikal na pagpapahirap sa mga quarantine violators gaya noon. Matatandaang may binugbog, napatay at ikinulong noon sa hawla ng aso dahil sa paglabag sa protocols.
Basahin: Pulis na bumaril sa 'lockdown violator' kinasuhan ng homicide
Kaugnay na balita: Barangay captain faces raps for locking curfew violators in dog cage