Presidential spokesperson Harry Roque positibo sa COVID-19
MANILA, Philippines (Updated 1:21 p.m.) — Kumpirmadong nahawaan ng kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19) ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si presidential spokesperson Harry Roque, kanyang pagbagbalita, Lunes.
Aniya, kakukuha lang niya ng resulta ngayong umaga mismo — ilang oras bago samahan si Duterte mamaya.
"As of 11:29 this morning, nakuha ko po ang resulta, nagpositibo po ako para sa COVID," sambit ni Roque sa isang press briefing kanina.
"Itong test ko kung saan tayo nagpositibo, ito po ay kahapon lamang, para nga po sana ngayon, para sa pagpupulong kay presidente mamaya, at dito po lumabas na tayo po ay positibo."
Asymptomatic o hindi naman daw nakararamdam ng sintomas ng COVID-19 si Roque, dahilan para maging "shocked" at surprised" siya sa resulta.
Bago ito, nagnegatibo naman daw sa COVID-19 testing si Roque noong ika-10 ng Marso bago niya samahan si Duterte sa Dumaguete noong Huwebes.
Dahil sa naunang negatibong resulta, pinahuhupa ni Roque ang pangamba ng kanyang mga nakasama sa Ilocos noong nakaraang Linggo. Gayunpaman, pinayuhan niyang mag-quarantine ang mga nakasama nitong mga nagdaang araw.
"'Yung mga nagkaroon po sa akin ng close contact, I ask you po for your indulgence, pero kinakailangan po ninyong mag-quarantine kung kayo po ay nagkaroon ng close contact sa akin," dagdag pa nipa.
Itinuloy pa rin ni Roque ang kanyang arawang Palace briefing ngayong araw habang tinitiyak na nag-iisa lang siya sa opisina habang naka-isolate sa iba.
Duterte 'hindi nalapitan' ni Roque
Samantala, iginigiit naman ni Roque na hindi niya naging close contact si Digong kung kaya't wala naman daw dapat ikabahala sa kalusugan ng pangulo.
"Negative po tayo for the Dumaguete trip and I did not have any close contact with the president. Hindi po ako nakalapit sa kanya, just from afar," sambit niya pa.
Plano na raw ni Roque magtungo sa isang isolation facility lalo na't may comorbodity ang kanyang misis.
Nagpapa-test na rin daw ang kanyang asawa lalo na't kasama silang matulog. "If she turns out also positive, mag-a-isolate na po siguro kaming magkasama. Pero if she turns out negative today, I intend to go to an isolation facility also because we have to walk the talk," saad pa niya.
Sa huling taya ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, umabot na sa 621,498 ang tinatamaad ng COVID-19 sa Pilipinas. 12,829 sa bilang na 'yan ang patay na. — James Relativo
- Latest