MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 21 “adverse effect” o masamang epekto matapos ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine gamit ang mga dumating na bakuna buhat sa COVAX facility.
“‘Yung iba ay nahirapan huminga, ‘yung iba ay sumakit ang dibdib. Ito po ay kino-consider nating serious at pinag-aaralan po kung ano ang causality nito,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa virtual briefing.
Sinabi niya na 20 sa mga pasyenteng ito ay tumanggap ng Sinovac vaccine habang isa ay AstraZeneca.
Pero suspetsa ng National Adverse Events Following Immunization Committee, maaaring ang mga epektong ito ay dulot lamang ng sobrang kaba o pagiging excited ng mga pasyente bago sila maturukan ng bakuna.
Pinag-aaralan pa naman ng mga eksperto sa Pilipinas maging sa ibang bansa ang kaugnayan ng mga bakuna sa mga masasamang epekto nito sa ilang naturukan.
Nasa 872 indibidwal na binakunahan ng Sinovac at 85 na tumanggap ng AstraZeneca ang nakaranas naman ng mga hindi seryosong side effects tulad ng sakit ng kalamnan, kirot sa bahagi ng katawan na tinurukan, lagnat, pagtaas ng blood pressure at rashes.
“Ito ‘yung mga common at saka minor… Usual lang po ‘yan hindi po dapat ikatakot,” giit ni Vergeire.
Sa huling datos nitong Marso 10, aabot pa lamang sa 114,615 ang indibidwal na nabakunahan ng pamahalaan.