New COVID-19 cases sa bansa nasa 3,749, highest sa halos kalahating taon
March 11, 2021 | 4:00pm
MANILA, Philippines — Nakapag-ulat ang Department of Health (DOH) ng 3,749 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Huwebes, bagay na nag-aakyat sa kabuuang local infections sa 607,048.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 607,048
- nagpapagaling pa: 47,769, o 7.9% ng total infections
- bagong recovery: 406, dahilan para maging 546,671 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 63, na siyang nag-aakyat sa local death toll sa 12,508
Anong bago ngayong araw?
- Ngayong araw ang pinakamataas na bilang ng bagong hawa (3,749) ng COVID-19 na iniulat sa iisang araw lang sa nakaraang 174 araw. Huling beses na mas mataas ang daily infection diyan noong ika-19 ng Setyembre, 2020 kung saan nakapagtala ng 3,962.
- Dumepensa naman ang Malacañang sa pagiging numero uno ng Pilipinas pagdating sa COVID-19 deaths at bagong infections sa Western Pacific Region, lalo na't sinabi ng pamahalaan na naging "mahusay" ito sa pag-aasikaso ng pandemya. Aniya, sadyang lumalala lang ito minsan kapag nagpapasaway ang mga tao: "'Yung nangyayari sa past four days should not erase what we have done since the outbreak of the pandemic... Ganyan po talaga talaga ang anyo ng COVID-19 pag kaonti lang tayo ng pabaya ng minimum health standards."
- Dagdag pa ni Roque, pinag-iisipan ng IATF-EID ang ilan sa mga rekomendasyon ng OCTA Research Group na ibaba sa 30% ang capacity ng mass gatherings sa GCQ areas, pagpapaliit ng kapasidad sa mga restawran at mall dahil sa muling pagsipa ng mga kaso — pati na liquor ban. Aniya, posibleng may mga maaprubahan dito. Sa kabila nito, patuloy naman daw sa trabaho ang DOH, DOST at economic planners para apulahin ang sitwasyon.
- Nakikiusap ngayon ang League of Provinces (LPP) kanina payagan ang COVID-19 testing ng mga biyahero sa "point of entry" ng mga probinsya — lalo na't delikado raw ang pre-travel testing. Una nang sinabi ng IATF Resolution 101 na hindi na kailangan ng testing ng travelers maliban kung ire-require ng local government units bago bumiyahe.
- Kanina lang nang sabihin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umabot na sa 15,874 ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na tinatamaan ng COVID-19 mula sa 87 dagat. Sa bilang na 'yan, binawian na ng buhay ang 1,041.
- Umaabot na sa 117.33 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 2.6 milyon na ang patay.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
Latest
Latest
Recommended