COVID-19 'variant of concern mula Brazil' wala pa sa Pilipinas — DOH

Nag-aabang ng masasakyan ang mga komyuter na ito sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Quezon City, ika-4 ng Agosto, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines (Updated, 5:50 p.m.) — Inilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa nakararating sa Pilipinas ang kinatatakutang bagong coronavirus disease (COVID-19) variant na una ng nadiskubre mula sa bansang Brazil.

Ito ang tiniyak ng DOH, Miyerkules, matapos kumalat ang balitang may "COVID-19 variant mula Brazil" na natuklasan sa Quezon City kasabay ng iba pang variants na mas nakahahawa sa karaniwan.

Aniya, dati nang merong uri ng COVID-19 sa Pilipinas na unang nasipat sa South American country pero hindi ito ang variant of concern na pinangangambahan ng mga eksperto.

"We would like to clarify that we have not detected the Brazilian variant of concern (P.1 lineage) in the 3,420 samples we have sequenced as of this date," paliwanag ng DOH sa reporters kanina.

"We would also like to clarify that a common variant identified among our sequenced samples was of Brazilian origin (B.1.1.28) but NOT a variant of concern."

Agad namang binawi ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit ngayong araw ang una nang inanunsyo na kaunaunahang kaso ng P.1 variant sa sa Pilipinas, ayon sa ulat ng GMA News.

Sinasabing isa ang P.1 variants sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng widespread infection ng COVID-19 sa Manaus, Brazil. Gayunpaman, may ilang study na nagsasabing epektibo ang CoronaVac vaccine ng Sinovac laban dito.

P.1 mas nakahahawa kaysa normal

Gaya ng variants of concern na unang nakita sa South Africa (B.1.351) at UK (B.1.1.7), ang P.1 VOC ay sinasabing mas nakahahawa din kumpara sa karaniwang COVID-19 na umiiral sa Pilipinas.

Ang tatlong ito ay sinasabing may N501Y mutation, bagay na nagpapadali sa pagpalipat-lipat ng virus mula sa isang tao patungo sa isa pa.

"Lahat sila, 'yung tatlong ito (P.1, B.1.351 at B.1.1.7), are associated with increased transmissibility. And they were also detected in the background na may spike in local cases," ani Dr. Cynthia Saloma ng UP Philippine Genome Center.

Gaya ng variant na unang nadiskubre sa South Africa, iniuugnay din ang P.1 variant sa pagpapababa ng bisa ng ilang COVID-19 vaccines: "The South African and the P.1 variant contains also the E484K mutation... Na-notice po sila na parang associated sila sa immune evasion," sabi pa ni Saloma.

"'Yung iba naman doon meroong efficacy pero may lowered efficacy [sa bakuna]."

Ilang linggo na nang unang madiskubre ng PGC ang mga mas nakahahawang variants, na siyang itinuturo ngayon ng OCTA Research group sa panibagong spike sa COVID-19 cases. — James Relativo

Show comments