MANILA, Philippines — Muling nakiusap ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga magsing-irog na maghinay-hinay muna sa paglalambingan sa publiko habang umiiral pa rin ang quarantine protocols sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ito ang paalala ni PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana kasabay ng muling paghihigpit ngayong nanunumbalik ang lockdowns sa ilang lugar sa Metro Manila.
Related Stories
Basahin: 2 barangay, hotels sa Maynila 'strict lockdown' simula Huwebes dahil sa COVID-19
Kaugnay na balita: DOH: Bagong COVID-19 case spikes dahil sa mga 'pasaway', hindi sa 'variants'
Aniya, paglabag ang pisikal na lampungan sa publiko sa mga health and safety protocols na una nang itinakda ng gobyerno. Sakop ng "automatic violation" ang yakapan, holding hands at halikan sa labas ng bahay.
"This is a mere reiteration of previous advisory from the [government]. Kahit naman po since [the] start of restrictions, bawal ang mga [public displays of affection] talaga," sabi ni Usana sa panayam ng PSN, Miyerkules.
"[B]awal po magtabi at magkakausap ng malapitan ang sinuman, bawal po ang pagpunta sa mga matataong lugar na nagsisiksikan ang bawat isa... Alam po ng mga tao ang bawal po."
Inutusan ang kapulisan na itahin ang mga lalabag, na sakop din ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan sa mga pampublikong lugar.
Wala naman daw arestuhan agad-agad para sa mga magsinta na mahuhuling nag-P-PDA: warning lang daw muna sa first offense.
"The virus may be right before them. Infection happens to families, it can happen to anyone, anywhere. People [should] maintain cautious from the spread of the virus," dagdag ni Usana, habang iginigiit na hindi na ito bagong alituntunin.
"And if [you love your] spouse, [your] children... be aware of the minimum health and safety protocols."
Kaugay na balita: MRT-3 reminds passengers to observe health protocols as COVID-19 cases rise
Noong Biyernes hanggang Lunes, matatandaang lagpas 3,000 ang naidadagdag na bagong hawa ng COVID-19 kada isang araw sa Pilipinas — bagay na ilang buwan nang hindi naitatala ng Department of Health (DOH). Natataon ito sa pagpasok ng mas nakahahawang variants sa bansa na unang nadiskubre sa South Africa at United Kingdom.
Umabot na sa 600,428 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas sa huling ulat ng DOH nitong Martes. Sa bilanbg na 'yan, patay na ang 12,528.