Nahawaan ng COVID-19 sa 'Pinas lumobo lagpas 600,000, ayon sa DOH
MANILA, Philippines — Ini-report ng Department of Health (DOH) ang nasa 2,668 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Martes, dahilan para pataasin nito ang kabuuang bilang ng nadali ng nakamamatay na sakit sa 600,428.
Nasa 41,822 diyan ang itinuturing na "aktibong kaso," o 'yung mga tuluy-tuloy pa ring nagpapagaling mula sa nakamamatay na virus.
Pitong pasyente naman ang kayayao lang sa COVID-19, dahilan para pumatak ng 12,528 lahat-lahat ng mga pumanaw dito sa bansa. Ligtas naman na sa sakit ang nasa 546,078 dating nadali ng pathogen.
Anong bago ngayong araw?
- Kanina lang nang ianunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque na inaasahang mapipirmahan bukas ang kasunduan para sa 30 milyong doses ng COVID-19 vaccines mula sa American company na Novavax. Sinasabing 89.3% ang efficacy ng naturang gamot batay sa Phase 3 trials nito sa Britanya.
- Bukod riyan, sinabi rin ni Roque na nalagdaan na ng gobyerno ang supply agreement para sa 1 milyong bagong suplay ng CoronaVac vaccine mula sa Chinese Biotech company na Sinovac. Sinasabing P700 milyon ang gagastusin diyan ng Pilipinas, na dagdag sa mga una nang doses na idinonate at dumating sa bansa.
- Pirmado na rin ang supply agreement ng bansa para sa 13 milyong Moderna COVID-19 vaccines, kung saan 7 milyon ay para sa pribadong sektor.
- Samantala, ilalagay naman sa lockdown ang ilang baranggay sa Lungsod ng Maynila, ayon kay Manila Public Information Office chief Julius Leonen.
- Umaabot na sa 116.52 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, halos 2.6 milyon na ang patay.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest