MANILA, Philippines (Updated, 6:57 p.m.) — Kinumpirma ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na ilalagay nila sa panibagong serye ng lockdowns ang ilang pamayanan doon kaugnay ng pagtalon sa bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Manila Manyor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, alinsunod daw ito sa kapipirma lang niyang Executive Order 6 na nagpapangalan sa ilang barangay bilang "critical zones" ng hawaan.
Related Stories
Kasama sa mga baranggay na isasama sa "strict" lockdowns ang:
San Lazaro, Tayuman
- Barangay 351
Malate
- Barangay 725
- bahagi ng Barangay 699 (Bayview Mansion at Hop Inn Hotel lang)
Magsisimula ito hatinggabi ng ika-11 ng Marso hanggang 11:59 p.m. ng ika-14 ng Marso.
"Dahil 'yan ay lockdown... 'yung mga [authorized persons outside residence] lang ang papayagan na lumabas," ani Domagoso sa isang briefing kanina.
"Lahat po ng lalabas na hindi kasali sa mga pinapayagan, ilalagay po namin kayo sa aming quarantine facility ng 14 days. Kasi you are exposing others sa danger."
Exempted naman sa lockdown ang mga sumusunod:
- healthcare workers
- pulis at militar
- empleyado ng gobyerno
- service workers (botika, death care service establishments, abtp.)
- opisyal ng barangay
- media practictioners na accredited ng Presidential Communications Operations Office
- Inter-Agency Task Force
Aniya, inagahan ng alkalde ang pag-aanunsyo para na rin mabigyan ng pagkakataon ang mga publiko na makabili ng pagkain.
"Sa baranggay 351, portion of 699 at baranggay 725, 'wag kayong mag-alala. Magpapadala ako ng pagkain sa inyo sa bawat pamilya ng baranggay na nabanggit," patuloy ni Domagoso.
Dumating ang naturang anunsyo isang araw matapos sabihin ni Domagoso na hindi siya mangingiming isara ang Maynila kung kailanganin para na rin maprotektahan mula sa COVID-19 ang kanyang mga nasasakupan.
Nataon ito kasabay ng pagkakapasok ng mas nakahahawang COVID-19 variants sa bansa na una nang nadiskubre sa South Africa at United Kingdom.
Kanina lang nang sabihihin ni Rabindra Abeyasinghe, WHO representative sa Pilipinas, na dapat limitadong lockdowns lang ang dapat ipatupad kung saan nakikita ng mga kumpol-lumpol ng mga kaso para mapigilan ang lalong pagdami.
Basahin: Posibleng COVID-19 lockdown sa Maynila, bara-barangay lang
Kaugnay na balita: WHO calls for strengthened implementation of health protocols as COVID-19 cases rise
"We need to ensure that public health measures are fully implemented and that authorities are really implementing early detection, early quarantine and isolation of cases and if necessary, very limited lockdowns in places, in sitios where we’re seeing clustering of such cases to prevent further spread," saad ni Abeyasinghe.
Kanina lang din nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi nila mairerekomenda sa ngayon ang city-wide lockdowns, at sa halip ineengganyo lamang ang lokalisadong mga aksyon kasabay ng papatinding isolation, detection at paglilipat sa quarantine facilities.
Sa huling tala ng Department of Health (DOH) nitong Martes, umabot na sa 600,428 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 12,528 sa bilang na 'yan.
QC may lockdowns din
Maliban sa kabisera ng bansa, magpapatupad ng sarili nilang lockdowns ang 12 na lugar sa Quezon City kaugnay pa rin ng COVID-19.
"Partikular na lugar lamang ang sakop ng [Special Concern Lockdown] at HINDI buong barangay," paliwanag ng QC local government unit.
Kasama sa mga 'yan ang:
- bahagi ng Durian St., Barangay Pasong Tamo
- L. Pascual St., Barangay Baesa
- De Los Santos Compound, Heavenly Drive, Barangay San Agustin
- No. 46 K-9th St., Barangay West Kamias at pinalawig hanggang No. 46-50, K-9th Street, Barangay West Kamias
- 49 at 51 E Rodriguez Sr. Ave., Barangay Doña Josefa
- Paul St. at Thaddeus St/, Jordan Park Homes Subdivision, Doña Carmen, Barangay Commonwealth
- No. 237 Apo St., Barangay Maharlika
- No. 64 14th Avenue, Barangay Socorro
- No. 64-B Agno Extension, Barangay Tatalon
- No. 90 Gonzales Compound, Barangay Balon Bato
- No. 2A – 4 K-6th, Barangay West Kamias
- bahagi ng Sitio 5, Jose Abad Santos, Barangay Sta. Lucia (simula ika-9 ng Marso)
"Mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya at sila ay sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine," patuloy ng QC LGU. — James Relativo